Hindi na marahil kaila na ang pagkilala ng mga biktima ng krimen sa VACC bilang kaagapay ng mga ito sa pagsulong ng hustisya sa ating lipunan ay lubos na nagpapalakas sa diwa at layunin ng VACC na pag-ibayuhin pa ang laban para sa mga biktima ng krimen at katiwalian.
Ngunit sa paglipas ng mga taon hindi lamang pawang mga biktima ng krimen lamang ang naging pangunahing layunin ng VACC bilang isang pribadong samahan na nagsimula upang tulungan ang mga naaapi ng isang mahinangn sistema ng pangkatarungan.
Ginampanan na rin ng VACC ang tungkulin nito sa lipunan sa pagpuna sa mga pangyayaring humuhubog sa ating lipunan sa pamamagitan ng mga gawain ng ating pamahalaan at ang mga ahensiyang nakikipagtulungan dito upang itaguyod ang kapakanan ng taumbayan.
Ang kahinaan o criminal justice system, sa ating lipunan ay naging isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang hustisya sa ating bansa ay mahirap makamtan ng ating mga napakararaming kapus-palad na kababayan, lalo nat kapag ang kalaban ng mga ito sa kanilang mga kaso ay pawang mga mayayaman o maimpluwensiyang mamamayan.
Ngunit huwag naman sanang isipin na pawang mga mahihirap lamang sa biktima ng krimen ang kinikilingan at tinutulungan ng VACC. Ang sakop ng pagtulong ng VACC ay para sa lahat ng nais humingi ng tulong nito sa pagsulong ng hustisya para sa kanilang mga hinaing, lalo na sa biktima ng mga karumal-dumal na krimen.