Noong Linggo, sinalakay ng mga pulis mula sa Southern Police District ang isang bahay sa Sun Valley, Parañaque City. Sa loob ng bahay ay natuklasan ang shabu laboratory. Ang pagkakatuklas sa shabu lab ay dahil sa pagkakahuli kay Xuzi Bin Ong, alias Crispin Yu, 36, caretaker ng bahay. Nahuli si Xuzi ng mga barangay tanod dakong alas kuwatro ng madaling araw habang nagtatapon ng basura at nang rekisahin, nakita sa kanya ang isang bag na may lamang ephedrine, sangkap sa paggawa ng shabu. Inamin ni Xuzi na gawaan nga ng shabu ang bahay. Sinalakay ng mga pulis ang bahay, subalit bago pa man makapasok sa loob, nakatakas na ang anim pang drug suspect.
Natagpuan sa shabu lab ang 40 grams ng shabu at 68 kilo ng ephedrine. Sopistikado ang mga kagamitan at maaaring makagawa nang napakaraming shabu. Ayon sa SPD, ito ang pinakamalaking gawaan ng shabu na kanilang nadiskubre.
Ayon pa sa mga pulis, may dalawang buwan na nilang minamanmanan ang naturang shabu lab. Ang nakapagtataka nga lamang, sa kabila ng kanilang pagmamanman ay natakasan pa sila ng anim na suspect. Ang pagtakas ay pinaiimbestigahan na ni Metro Manila police chief Reynaldo Velasco.
Sabagay, kung sa guwardiyadong Crame ay may nakatatakas ngang drug suspect, ano na sa isang bahay na hindi naman guwardiyado. Nakatakas sa Crame si Henry Yu may isang buwan na ang nakararaan makaraang lagariin ang rehas na bakal sa bintana. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa siya nahuhuli. Maski sa mga city jail ay buhay malaya rin ang mga drug trafficker. May nakapupunta pa sa casino at nakapagsusugal. Katulad ni Yu Yuk Lai.
Hindi masasawata ang mga drug lord na gumawa nang gumawa ng shabu sa bansang ito. Madali kasi silang makalulusot kahit na mahuli. Nakapaligid sa maraming ahensiya ng pamahalaan ang mga corrupt. Pera lamang ang kanilang katapat.