EDITORYAL - Anti-smoke belching campaign ng DOTC

HINDI na mabilang ang paulit-ulit na paglulunsad ng anti-smoke belching campaign ng Department of Transportation and Communication (DOTC). Noong hindi pa si Sec. Leandro Mendoza ang namumuno sa DOTC, marami nang kampanya laban sa mga sasakyang nagbubuga ng lasong usok ang inilunsad. Subalit pawang ningas kugon ang lahat. Pakitang tao lamang.

Magsasagawa ng anti-smoke. Marami ang huhulihing sasakyang hindi nakapasa sa smoke emission test subalit nakapagtatakang ang mga hinuli o inisyuhan ng tiket ay nakapagyayaot muli sa lansangan partikular sa EDSA. Walang nangyari sa kampanya. Lalo pang dumami ang mga sasakyang nagbubuga ng lason at nagpapaitim sa kalawakan.

Kahapon ay nagsimula na naman ang anti-smoke campaign. Sabi ng DOTC pansamantala silang nagpahinga dahil sa nakaraang holidays. Naging busy din ang DOTC enforces dahil sa pagsalakay ng mga terorista. Hindi nila ganap napagtuunan ng pansin ang kampanya dahil sa problema. Pero ngayon anila ay wala nang makapipigil sa pagsakote sa mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok. Ang kampanya ay may kaugnayan na rin sa pagpapatupad ng Clean Air Act.

Sabi ng DOTC, isinasakatuparan nila ang programang ito para sa kapakanan ng mamamayan lalung-lalo na ang mga bata. Kalabisang sabihin na laban ang DOTC sa pagkalason ng kapaligiran. Na hindi sila makapapayag na unti-unting patayin ng killer-hangin ang taumbayan.

Sa isang survey, natalang isa sa pinaka-polluted na siyudad ang Maynila sa buong Southeast Asia. Marami ang nagbabala na huwag nang magdi-jogging sa umaga sapagkat tiyak na kamatayan ang tutunguhin dahil sa paglanghap nang may lasong hangin. Ilang buwan na ang nakalilipas, maraming estudyante sa isang exclusive school sa San Juan ang nagsuka at nahilo. Ang dahilan: Maruming hangin ang kanilang nalalanghap.

Ang Clean Air Act ay walang ngipin sa kasalukuyan. Kahit na ipinagbawal na ang paggamit ng incinerators at mga lumang makina, hindi pa rin nangyayari. Paano’y hindi seryoso ang mga ahensiyang dapat magpatupad. At isa rito ay ang DOTC. Sana’y mabuksan ang kanilang isipan habang nakahihinga pa ang mamamayan. Seryosong ipatupad ang kampanya sa anti-smoke campaign.

Show comments