Habang ngumunguya si Mark, natutuwa itong si Mr. Allin, dahil mukhang nagustuhan ng bata, na isang nursery student, ang bagong corned beef. Pero nagulat siya ng may makita siyang kumikinang sa kinakain ng kanyang anak. Dinampot niya ito at napatunayan niya na ito ay isang karayom.
Hindi nag-aksaya ng panahon si Mr. Allin. Kaagad siya tumawag sa teleponong 632-0874 na nakapaskil sa de lata at kinausap ang isang Mila Decena na nagpakilalang manager ng Cabuyao branch ng kompanya. Ini-refer siya ni Decena sa isang Miss Robles at Rita Paclet na umanoy mga matataas na opisyales ng kompanya sa Mandaluyong City.
Kinabukasan dumating sa bahay ni Mr. Allin sa 11 Ilang-ilang St., Zone 6, Signal Village sa Taguig sina Decena, Jimmy Aquino at Gener Santos. Galing talaga sa factory natin ito, ang pahayag ni Decena kay Allin habang sinusuri niya ang karayom na tinawag ni Aquino na syringe. May pabuya ka sa kompanya namin, dagdag pa ni Aquino. Pero hindi interesado si Mr. Allin sa pabuya o anumang tulong financial buhat sa kompanya ng corned beef. Nakiusap siya na dapat lang sigurong ipa-medical ang kanyang anak para makasiguro siyang ligtas nga ito sa kapahamakan. Tumango si Decena at bukal sa loob naman na iniabot ni Allin sa kanya ang ebidensiyang karayom at lata. Ayon sa mga nakausap niya gagamitin nila ang karayom para matukoy nga kung sino sa kanilang empleyado ang nagkamali para maparusahan. Nag-iwan si Decena ng teleponong 831-8101 local 7985 para madaling makipag-coordinate si Allin.
Pero ng tumawag siya ke Decena ng mga sumunod na araw, laking gulat ni Allin ng ayaw na itong tugunan ang ipinangako niyang check-up sa kanyang anak. Noong una, sinabi ni Decena sa kanya na magpunta sila sa PGH at pumila. Pero sa kalaunan tinapat siya nito na hindi ma-reimburse ng kanyang opisina ang gastusin ni Allin. At doon naisip ni Allin na wala na siyang habol dahil nasa kamay na nga ni Decena ang ebidensiya niya. Kaya sa sobrang galit ni Allin kung anong salita na ang nabitiwan niya.
Tumawag si Mr. Allin sa akin para ipaabot sa sambayanan ang masaklap na sinapit niya sa kamay ni Decena. Hindi pa rin niya napa-medical si Mark dahil sa kakarampot lang ang kinikita niya sa pagpasada ng tricycle.