Ang gusali ay itinayo base sa plano, disenyo at pagtutukoy ng City Building officials na nag-isyu rin ng building permit. Wala pang reklamo ukol sa depekto ng gusali ang nasasampa. At bago pa man ito okupahan, naaprubahan din ang certificate of occupancy nito.
Subalit isang malakas na bagyo ang tumama sa Metro Manila na may malakas na hangin. Natanggal ang bubong ng school at nailipad ng hangin kung saan tumama ito sa bubong ng bahay ng pamilya Domingo na nagdulot ng pinsala.
Nang matapos na ang bagyo, nagkaroon ng ocular inspection ang grupo ng inhinyero na pinamunuan ng City Building Officer. Sa report nito, may pagkukulang sa istraktura tulad ng pagkakakabit ng mga pako at bakal na nag-uugnay sa kisame at bubong nito. Kaya, idineklara na isang structural hazard ang ikaapat na palapag ng eskuwelahan para maiwasan ang pinsala pa nitong maidudulot sa mga buhay at ari-arian ng mga taong nakatira malapit dito.
Gamit ang report na ito, nagsampa ng kaso ang pamilya Domingo laban sa school para sa bayad-pinsala na P1.5 million. Sinabi nilang dahil sa pinsala sa bubong nila, kinailangan pa nilang tumira muna sa ibang bahay. Sinalungat ito ng school, ang aksidente raw ay dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari at wala ito sa kontrol ng tao. Tama ba ang school?
Tama. Ang isang hindi inaasahang pangyayari tulad ng bagyo, sunog, pagbaha at lindol ay hindi kontrolado ng tao. Kahit na anong pag-iingat ang gawin ng tao, hindi pa rin maiiwasan ang mga kalamidad na ito. Para managot ang school, kinakailangang patunayan ng pamilya Domingo ang pagpapabaya ng school base sa matibay na mga ebidensiya at hindi haka-haka lamang. Sa kasong ito, umasa lamang ang pamilya Domingo sa report na isinumite ng mga inhinyero pagkatapos na ng bagyo. Hindi nila ginamit ang matitibay na ebidensiya tulad ng depekto nito sa plano, disenyo at pagtutukoy. Hindi rin nila pinatunayan na kahit na maraming depekto, nakakuha pa rin ito ng building permit at certificate of occupancy.
Hindi napatunayan na nagpabaya ang school, kaya hindi sila magbabayad sa pinsalang natamo ng pamilya Domingo. (Southeastern College, Inc. vs. CA, G.R. 126839, July 10, 1998)