Ipinaliwanag ng mga pinuno ng GSIS na binili nila ang painting sapagkat ito ay bahagi na ng ating kasaysayan at hindi dapat na mapasakamay ng mga banyaga. Idinagdag pa nila na ito ay isang investment na maaaring pagkakitaan pa ng malaki kung darating ang panahon na ibenta itong muli sa isa ring Pilipino. Kinuha nila sa P20 bilyong surplus fund ang salaping ibinayad sa painting na ito ni Juan Luna.
Itinanggi naman ng Malacañang na ito ang pumilit sa GSIS upang siyang bumili sa nasabing painting. Datapwat ipinagtanggol ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao ang ginawa ng GSIS at sinabi nitong wala itong pagkakaiba sa pagbili ng mga stock issues sa mga kompanya.
Subalit ang pagbili ng GSIS sa Juan Luna painting ay pinupog din ng ibat ibang tuligsa at mga negatibong reaksyon sa iba nating mga kababayan. Hindi nagustuhan ng mga dati at kasalukuyang empleyado ng GSIS na siyang mga miyembro nito ang hakbang na ginawa ng kanilang pamunuan. Pera raw nila ang ginamit dito at maaaring matunaw lamang ito katulad ng ibang investment na nalulugi at nawawala ng walang kapararakan.
Sinasabi naman ng iba na ang salaping iginugol sa pagbili sa painting ni Juan Luna ay dapat na lamang sanang ibinuhos sa ibang pangunahing pangangailangan ng ating bansa na marami pa rin ang nagugutom at baon sa kahirapan. Binabanggit din nila na baka nga makabubuti kung ang nasabing painting ay nasa ibang bansa kung saan mas marami ang makaaalam at makapagpapahalaga kaysa ito ay nakatago lamang dito sa atin. Tutal, anila, kahit na nasa labas ito ng bansa, obra maestra pa rin itong masasabi ng isang Pilipino.