Sinasabi ng awtoridad na ang mga nagpapasabog ay ilang Abu Sayyaf lang. Palagay nang 500 sila. Isama na rin ang 15,000 gerilya ng MILF na may tactical alliance sa 5,000 NPA. Pati na rin ang 2,000 MNLF na galit pa rin sa gobyerno miski may peace pact na. Kabuuang 22,500 lang. E 80 milyon ang Pilipino. Para manalo sila, kailangang pumatay sila nang tig-3,555 tao. Kaya ba nilang gawin yon?
Sakaling mangyari ang imposiblet maubos nga nila tayo, saan sila sisimutin? Sino ang magpapaandar ng mga pabrika o magtatanim sa lupa? Sino ang magtuturo sa mga paaralan at magpapatakbo sa media? Alam naman nating kamangmangan ang sanhi ng terorismo. Alam din nating hasa lang ang terorista sa paghawak ng armas at hindi sa talino. Mamamatay lang sila sa gutom. Kundi naman, mag-uubusan sa inis.
Di lang ngayon nangyari sa kasaysayan ang tangkang ibalik ang mundo sa stone age. May mga namuno nang Muslim sa Middle East at North Africa na pinagbawal ang science dahil produkto raw ng demonyo. Ginawa rin ito ng mga Katoliko-sarado nung panahon ng Inquisition. Pati ang mga walang Diyos na Red Guards ni Mao Tse-tung sa China, sinunog ang mga libro at kinulong ang mga intelektuwal dahil labag sa komunismo. Bumagsak silang lahat. Nanaig ang progreso at hangad ng tao sa kapayapaan at kaalaman.
Heto ngayon ang isang dakot na kampon ni Osama bin Laden na inuulit ang kamalian ng kasaysayan. Kokonti na nga sila, tinutugis pa ng pulis. Minamatyagan pa ng taumbayan. Lumiliit ang mundo nila. Unti-unti silang nahuhuli o kayay tumitiwalag sa bulok na kosa.
Mapapatay nila ang marami sa atin bago sila lubusang maubos. Pero sa huli, maglalaho sila sa mundo tulad ng mga sinaunang terorista.