Kung babalikan ko ang nakaraan, wala akong maalalang pangyayari na ipinakita mong mahal mo ako. Maaaring minahal mo ako ngunit hindi singlalim ng inaasahan ko.
Lumaki ako sa bahay ni Lola at umikot ang aking daigdig sa kanyang pangangalaga. Nadama ko ang init ng kanyang pagmamahal ngunit hindi lubos pagkat uhaw ako sa pag-ibig ng isang ina sa kanyang anak. Minsan nga, naiinggit ako sa mga batang namamasyal kasama ang kanilang mga magulang.
Ayon sa salaysay ni Lola, namatay ang aking ama sa aksidente nang akoy isang taong gulang. Hit and run daw. At iniwan ako ni Nanay kay Lola. Ano bang malay ng isang sanggol sa nangyayari sa kanyang kapaligiran?
Dala ng matinding kahirapan, naigapang naman ako ni Lola hanggang second year high school. Wala akong nagawa dahil hindi ko naman kayang paaralin ang aking sarili. Sa sumunod na dalawang taon, naranasan kong magtrabaho sa bukid, magtulak ng kariton sa palengke at magtinda ng pandesal sa madaling araw. Napasabak sa mabigat na trabaho ang mura kong katawan laban sa hirap ng buhay hanggang nagdesisyon akong lumuwas sa Maynila upang hanapin ang aking kapalaran. Aaminin kong hindi matatawaran ang pinagdaanan kong hirap bago ko narating ang kalagayan ko ngayon isang company driver na maipagmamalaki kong bunga ng aking sipag, tiyaga at panalangin. Ito ang lubos kong pinasasalamatan sa Diyos dahil hindi Niya ako pinabayaan kahit mababa ang aking pinag-aralan. At sa aking Lola na nagsilbing aking ina sa loob ng mahabang panahon.
At minsan, kapag naalala ko ang nakaraan, hindi ko makontrol ang aking sarili na mapaluha dahil hanggang ngayon, hindi ko maintindihan ang pag-iwan sa akin ni Nanay kay Lola. Sa ngayon, meron na siyang anim na anak sa kanyang asawa. At malabo na yatang maramdaman ko ang kanyang pagkalinga sa akin, ang haplos ng kanyang pagmamahal at ang init ng kanyang mga yakap.
Nanay, natakot ka bang buhayin akong mag-isa? Natakot ka bang ipaglaban ako sa kalupitan sa buhay? Mahal mo ba talaga ako? Ilan lamang ito sa maraming tanong na matagal ko ng itinago sa aking puso. Ngunit sa kabila ng lahat, nais kong malaman mo na sa pagdaan ng mga taon, patuloy kitang minamahal, hindi ko nga lang maisatinig. Katunayan nga, naghahangad pa rin akong yakapin mo kahit mas matangkad na ako kaysa sa iyo. The child in me craves for the warmth of your love