Pagmamahal sa Diyos at sa kapwa

MAHIRAP ang buhay. Hindi madali ang makitungo sa kapwa tao. ito ay sapagkat namamayani sa ating puso ang pagkamakasarili. Alam ito ng ating Amang lumikha sa atin. Kung kaya’t sinugo niya si Jesus sa atin na kanyang mga anak upang turuan tayo kung ano ang pagmamahal.

Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito ng Linggo, ibinibigay sa atin ni Jesus ang kanyang turo hinggil sa pagmamahal. Pakinggan natin si Mateo. Hingin natin sa Banal na Espiritu na bigyan tayo ng liwanag upang atin itong maunawaan (Mt. 22:34-40).

‘‘Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. At isa sa kanila, isang dalubhaa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito: ‘Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?’ Sumagot si Jesus, ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.’’


Ang Diyos, na ating Ama, ay isang mapagmahal na Diyos. Hindi siya nagpapahirap. Hindi niya hinahanap ang ating mga kakulangan. Gaya nang nabanggit na sa itaas, sinugo niya ang kanyang Anak upang turuan tayo ng mga paraan ng pagmamahal. Ibinigay sa atin ni Jesus ang Espiritu. Ang Espiritu ay isang mapagmahal na Espiritu. Tinutulungan niya tayong makita ang kabutihan ng ating Ama. Itinatanim niya sa ating puso ang pagmamahal. Kung kaya’t minamahal natin ang Ama mula sa kaibuturan ng ating loob.

Tinuturuan din tayo ni Jesus na mahalin ang bawat tao gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ang pagmamahal natin sa kapwa ay nagmumula sa ating pagmamahal sa Diyos. Ang ugat at pinagmumulan ng lahat ng pagmamahal ay ang pagmamahal sa Diyos.

Sa wakas, ang pagmamahal – sa Diyos o sa kapwa ay naipapakita sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili. Ibinibigay natin ang ating mga sarili sa Diyos. Ibinibigay natin ang ating mga sarili sa kapwa.

Show comments