Mapagbantay at matapat na mga lingkod

MAY paraan ang Diyos upang ipabatid ang kalooban sa atin. Yaong sa atin na nakababatid ng kanyang kalooban ay dapat maging masaya na isaganap o ipatupad ang kalooban ng Ama. Ito ay makapagtatamo para sa atin ng malaking gantimpala kapwa dito sa lupa at sa langit. Ang pagtalos sa kalooban ng Diyos ay nangangahulugan ng mga pananagutan.

Si Lukas ang nagsalaysay sa atin ng Ebanghelyo (Lk. 12:39-48).

‘‘’Tandaan ninyo ito: Kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.’

‘‘Itinanong ni Pedro, ‘Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?’ Tumugon ang Panginoon, ‘Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambayanan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayon pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: Pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.

‘‘’At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay."’


Ang aming mga pangkat base o base groups sa Alabat at Perez, Isla ng Alabat, ay natalos na ang kalooban ng Diyos – ang gagawin nila sa kanilang pagharap sa mga anomalya ng kanilang mga lokal na opisyales. Nagsimula na silang kumilos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DILG.

Kalooban ng Diyos na ang ilegal na pangingisda o pamamalakaya sa Lamon Bay ay matigil na. Nakita ng mga pangkat base kung paanong ginagamit ang dinamita sa pangingisda, at sa ganoo’y sinisira rin ang iba pang yamang-tubig. Ito ay bawal at talagang ilegal. Napahinto rin nila ang jueteng sa Alabat, bagamat patuloy na naiimpluwensiyahan pa rin ang mga taong taga-Alabat ng jueteng na patuloy na umiiral sa kanilang mga karatig-bayan tulad ng Atimonan at iba pang mga bayan.

Ang droga ay lantarang naitutulak sa bayan ng Alabat at Perez. Ang mga kabataan ay nabibiktima. Nasisira ang kanilang mga buhay. Ang lahat ng mga isyu o usaping ito ay kinikilusan ng aming mga pangkat base sa pakikipagtulungan ng Opisina ng Kalihim ng DILG. Oo, kanilang ipinapatupad ang kalooban ng Diyos.

Show comments