2 holdaper ng bus biyaheng Rizal-Quiapo, tiklo

MAY agam-agam sa mga mukha ng mga residente ng Rizal province tuwing aalis sila sa kanilang bahay para pumasok sa trabaho araw-araw dahil sa laganap na holdapan sa mga bus sa kahabaan ng Ortigas Ave., sa Pasig City. Ilan sa kanila ay ilang beses ng naging biktima ng mga holdaper pero wala silang magagawa dahil kailangan nilang kumayod para may maipakain sa kani-kanilang pamilya. Subalit may ilang residente ang hindi nakatiis at sumulat kay Philippine National Police (PNP) chief director General Hermogenes Ebdane Jr., para nga malutas na ang problema.

Matapos mabasa ni Ebdane ang mga hinaing ng taga-Rizal kaagad nitong inutusan si C/Supt. Eduardo Matillano, ang hepe ng CIDG sa Camp Crame, at noong nakaraang Lunes ay dalawa sa mga holdaper sina Francisco Meday, 36, at Jose Saberdo, 38, ay nasakote. Kung sabagay, hindi naging madali para sa mga tauhan ni Matillano ang pag-aresto kina Meday at Saberdo na kapwa tubong Albay sa Bicol.

Ilang araw din na sumakay ang mga tauhan ni Sen. Supt. Cipriano Querol Jr., ang hepe ng Detection and Special Operations Division (DESOD) sa mga bus na bumibiyaheng Rizal-Quiapo bago nila matiyempuhan sina Meday at Saberdo.

Nakumpiska sa mga suspect ang tig-iisang balisong. Mukhang may planong titira pa itong sina Meday at Saberdo ng masakote ng mga tauhan ni Querol. He-he-he! Walang kasamaan na tumatagal, di ba mga suki?

Sina Meday at Saberdo ay positibong itinuro ng kanilang dalawang biktima na sina Rosemarie Aquino, 29 at Leonor Santos, 26. Ayon sa dalawa, tinangay nina Meday at Saberdo at tatlo pang kasamahan ang kanilang pera at cellphone sa holdapang naganap noong nakaraang linggo. Hindi naman itinanggi ng dalawang suspect na holdaper nga sila. Inamin nila kay Querol na isang taon na silang nanghoholdap ng bus na bumibiyaheng Rizal-Quiapo. Anila ang cellphone ay ibinibenta nila ng P1,500 kada piraso.

Pero kahit naaresto na sina Meday at Saberdo ay patuloy pa rin ang pagsakay ng mga tauhan ni General Matillano sa mga bus sa naturang ruta para mawala na nga ang agam-agam sa mukha ng mga residente ng Rizal. Kaya kayong mga halang ang kaluluwa, magsitigil na kayo dahil may kalalagyan kayo General Matillano.

Show comments