Nagsimula ang kaso nina Cel, Gay at Kay, tatlong guro sa isang pribadong paaralan sa Timog. Kinuha sila bilang guro ng paaralan na ang batayan ay kada taon. Lumagda sila sa kontrata na nagsasaad na magtatapos ito sa Hunyo 30 ng partikular na taon. Nakasaad sa kontrata ng kanilang empleo na sila ay hindi permanente at manunungkulan hanggang sa Hunyo 30, sa anumang taon na ang kontrata ay matatapos. Kaya sila ay may kontrata para sa school year 1970-71 at 1971-72. Subalit noong Abril 14, 1973, sila ay inabisuhan ng directress ng paaralan na hindi na sila kukuhanin para sa school year 1973-74. Kaya noong Hunyo 30, 1973, ang serbisyo ng tatlo ay tinapos. Kinuwestiyon ng tatlo ang dismissal nila dahil ito raw ay paglabag sa mga karapatan nila sa seguridad ng tagal ng panunungkulan na ginarantiya ng Konstitusyon. Tama ba sila?
Mali.
Nang lumagda ng kontrata sina Cel, Gay at Kay, sila ay may kaalaman na ang kanilang panunungkulan ay may nakatakdang panahon. Sa panahon ng terminasyon, ang mga partido ay may kalayaan na ulitin ang kontrata o hayaang matapos na lamang ito. Nagdesisyon ang paaralan na tapusin na lamang ang kontrata, kaya dapat na irespeto ito ng mga partido.
Dapat na malaman na ang karapatan sa seguridad ng tagal ng panunungkulan na ginarantiya ng Konstitusyon ay hindi nararapat sa mga empleyadong probationary. Sa loob ng panahon ng probation, sila ay may seguridad sa panunungkulan hanggang hindi pa ito natatapos. Kapag natapos na ito, hindi na nila maaaring gamitin ang konstitusyunal na proteksiyon. (Bilboso vs. Victorias 76 SCRA 250).