Kung sabagay, may ebidensiya na tayo na nagsisinungaling si Calderon sa kanyang pagyayabang nang mahulihan siya ng mga taga-CIDG ng 60 katao sa San Jose City sa Nueva Ecija kamakailan lang. At ibig sabihin niyan hindi guerilla-type ang operasyon ng jueteng doon. Tama ba ako dito mga suki?
At hindi lang sa Nueva Ecija kundi maging sa Bulacan ay walang humpay ang bola ng jueteng, Gen. Calderon Sir. Ayon sa mga pulis na nakausap ko, ang mga jueteng, financiers sa probinsiya ni Gov. Josie dela Cruz ay sina Mayor Boy Viceo, Ayad Viceo, Abet Viceo, Abner Nicolas at Romy Suarez na isang pulis. Sa ngayon, tatanungin natin itong sina Gen. Calderon at Col. Serapio, hepe ng Bulacan PNP kung ano ang nagawa nila sa mga Viceo brothers, Nicolas at Suarez mula ng maupo sila diyan sa kanilang mga puwesto. He-he-he! Sabi ko na nga ba na walang ibubungang maganda yang jueteng-free na yan eh.
Ang kubransa pala ni Abet, ayon sa mga nakausap kong pulis, ay P300,000 kada araw sa bayan ng San Miguel; P400,000 sa Baliuag; P250,000 sa Plaridel, at P190,000 sa Calumpit. Si Nicolas naman ay may kubransang P250,000 kada araw sa Pulilan; P350,000 sa Malolos; P180,000 sa Paombong; P260,000 sa Angat, at P130,000 sa Bustos. Si Mayor Boy P260,000 sa San Ildefonso; P120,000 sa Pandi; P450,000 sa San Rafael; P360,000 sa Sapang Palay at P240,000 sa Guiguinto. Si Ayad ay P250,000 ang kubransa kada araw sa Hagonoy, ang bayan ni Foreign Affairs Secretary Blas Ople at P190,000 at P160,000 kada araw naman ang kubransa ni Suarez sa mga bayan ng Obando at Meycauayan. Pero mukhang mas malaki ang operasyon ni Abet Viceo dahil pati sa Pampanga eh me pa-jueteng din siya. Sinabi pa ng mga pulis na nakausap ko na ang kubransa si Abet sa Arayat ay P400,000 kada araw at P350,000 at P200,000 naman sa San Luis at sa Candaba.
O hayan, Gen. Calderon Sir, gawan mo ng aksiyon yan para naman hindi mapahiya ang kamag-anak mo na si Presidente Arroyo. Ipinagmalaki ka pa naman ni GMA sa Camp Crame kamakailan.