Pagkaraan ng tatlong buwang pananahimik, muling nasa ere ang mga bandido at inihahayag na ang kanilang grupo ay "malakas at nagkakaisa dahil sa dugong umagos sa mga martir". Ang deklarasyon ay ginawa ni Abu Sayyaf Chieftain Khaddafy Janjalani. Sinabi ni Janjalani na magsasagawa sila ng jihad o holy war laban sa mga dayuhan at lokal na kalaban ng Islam. Ang deklarasyon ay ini-ere ng Radio Mindanao Network (RMN) noong Biyernes.
Sa ginawang deklarasyon o masasabing pananakot ni Janjalani, lumutang ang paniniwalang patay na nga ang spokesman ng mga bandido na si Abu Sabaya. Ang papel ni Sabaya ang inuukopa na ngayon ni Janjalani. Ang Abu Sayyaf ay isinasangkot ng United States sa Al-Qaeda terrorist network ni Osama bin Laden. Si Bin Laden ang umanoy nag-mastermind sa pagpapasabog ng World Trade Center noong Sept. 11, 2001.
Sinabi naman ng Malacañang na galing sa "polluted source" ang mga sinabi ni Janjalani. Walang katotohanan ang sinabi ni Janjalani na"malakas pa sila at nagkakaisa". Sinabi pa na patuloy ang pagtugis ng military sa mga bandido at malapit na silang masukol.
Mga uhaw sa dugo ang mga bandido at naniniwala kaming masusundan pa ang malalagim na karahasan sa Basilan at Sulu. Patuloy na maghahasik ng lagim sapagkat nananatiling buo pa ang mga lider ng bandido. Ang napatay na si Abu Sabaya ay hindi kabawasan sa grupo. Buhay pa si Ghalib Andang alyas Kumander Robot. Patuloy din naman ang ginagawang pagtatakip ng ilang sibilyan sa gawain ng mga bandido kaya hindi sila masukol.
Kasalukuyan pang bihag ng mga bandido ang apat na preachers ng Jehovahs Witnesses na kinidnap noong nakaraang buwan. Ang mga kasamahan ng mga preachers ay pinugutan ng ulo. Hawak pa rin ng mga bandido ang mga Indonesians na kanilang kinidnap dalawang buwan na ang nakararaan.
Nararapat magsagawa ng operasyon ang military upang malipol na ang mga bandido. Hanggang hindi nabubunot ang kanilang ugat, walang katiwasayang matatamo sa Basilan at Sulu at sa Mindanao sa kabuuan. Patuloy na katatakutan ang bansang ito ng mga dayuhan. Durugin ang mga bandido!