Misyon ng labindalawa

SINUGO ni Jesus ang labindalawang alagad upang ipatupad ang kanyang sariling misyon. Ano ang kailangan nilang gawin? Paano nila isasagawa ang misyon?

Ang mga kasagutan ay dinitalye ni Lukas (Lk. 8:1-6).

‘‘Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya: ‘‘Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay – kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon, at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila.’ Kaya’t humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako.’’


Tatlong bagay ang dapat isagawa ng mga alagad: Ipahayag ang paghahari ng Diyos, magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga maysakit. Ipinakita niya ito kasama ng Labindalawa. Naparito si Jesus upang puksain ang kapangyarihan ng masasamang espiritu. Binigyang-kapangyarihan niya ang Labindalawa upang ganoon din ang gawin. Si Jesus ay nagpagaling ng mga maysakit. Binigyan din niya ang Labindalawa ng kapangyarihang magpagaling.

Paano dapat gumawi ang Labindalawa habang ipinapatupad nila ang misyon? Wala silang dapat dalhin na maraming bagay. Tanging mga pangunahing pangangailangan lamang. Dapat silang umasa sa Diyos para sa lahat ng kanilang mga pangangailangan.

Ang ginawa ng mga alagad noon ay ginagawa ng mga Kristiyano ngayon. Patuloy na umuusad ang misyon ni Jesus.

Show comments