Mula nang mamatay si Itay, anim na taon na ang nakararaan, si Inay na ang umako sa lahat ng responsibilidad. Iginapang niya kaming dalawa ni Ate para makapag-aral. Si Ate ay nasa kolehiyo na samantalang ako ay nasa elementary pa lamang. Maagang gumigising si Inay para magluto ng cassava cake na ititinda niya sa may gate ng eskuwelahan. Sa gabi naman, nagsasalansan siya ng basahan na hinahango niya sa pabrika ng tela sa bayan. At kung araw ng Linggo, tumatanggap siya ng labada mula sa mga kapitbahay na-ming mayaman.
Hindi biro ang mga paghihirap ni Inay, kaya naman ganoon na lamang kung mangaral siya sa amin. Paglabas sa school, diretso agad sa bahay. Ayoko nang mababalitang napapabarkada kayo. Iwasan nyo ang mga bisyo sapagkat walang maidudulot yan sa inyo. Saka na yang boyfriend-boyfriend, pag-aaral muna ang asikasuhin nyo. Magsikap kayo sa pag-aaral para hindi maranasan ang mga naranasan ko! Kung minsan ay natutuliro na ako sa paulit-ulit na pangaral ni Inay.
Isang tanghaling galing ako sa school, narinig ko na naman ang boses ni Inay kahit malayo pa ako. Ngunit kakaiba ang kanyang sermon. Sa himig ay may malaking problema. Nakita kong umiiyak si Ate. Graduating na si Ate ng Commerce. Siya ang pag-asa ni Inay para makaahon kami sa hirap. Lalo akong naguluhan nang pumasok si Ate sa kuwarto at paglabas ay bitbit na ang isang bag na nahulaan kong kanyang mga damit. Gusto ko sanang magtanong kaya lang natatakot ako. Hinihintay kong pigilan siya ni Inay ngunit hindi ginawa. Nanatiling nakaupo si Inay sa isang sulok habang pumapatak ang luha.
Matagal nang nakaalis si Ate nang magsalita si Inay. Mahina ngunit punumpuno ng damdamin. Hindi na makaga-graduate si Ate mo. Nabuntis siya ng kanyang kaklase Hindi ko na naintindihan kung ano pa ang sunod na sinabi ni Inay. Sapat na sa akin ang ekspresyong lumarawan sa mukha niya upang maunawaan ang lahat.
Sa nakita kong pait, panlulumo at panghihinayang sa mukha ni Inay dahil sa gumuhong pangarap, isang pasya ang nabuo sa aking batang isipan noon din: Hinding-hindi ko gagayahin si Ate!