Subalit walang makapipigil kay Bayani sa kanyang ginagawang pagpapatupad sa batas kahit na ayon sa kanya ay may nagbabanta sa kanyang buhay at pamilya. Matigas at desidido si Bayani na harapin ang tungkuling sinumpaan niya na maiayos ang Metro Manila kahit na atubili at mukhang hindi taus-puso ang pagtulong sa kanya ng ilang mayors at mga opisyal na nasasakupan ng MMDA.
Ngayon ay may ideya si Bayani na armasan ng itak ang mga MMDA traffic enforcer. Sinabi ni Bayani na wala man lamang panlaban ang mga traffic enforcer sa mga masasamang elemento. Sinalungat naman ang balak ni Bayani ng karamihan sa ating mga kababayan. Baka raw lalong maging abusado ang mga traffic enforcer kapag inarmasan.
Pinagtatalunan pa ang pagbibigay ng armas sa mga taga-traffic enforcer. Para sa akin turuan na lang sila ng self-defense. Ipaubaya na lang sa mga pulis ang pagdadala ng armas. Tutal naman, di ba talaga namang may mga pulis na kasama ang mga traffic enforcer sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin?