Makalipas ang isang linggo, binisita ko siya. Naabutan ko siyang ibinibilad ang naisalbang kaunting palay. Maitim iyon dulot ng matagal na pagkakababad. Naaamoy ko ang nasisira nang palay.
Pinisil ko ang kanyang balikat. Tumingala siya at sinabi, "Mabuti at dumalaw ka," lantad ang katuwaan na balewala ang naganap na kalamidad. "Umupo ka." Naupo ako as tuod ng kahoy.
"Masaya ka pa rin kahit dinaanan ng bagyo," sabi ko.
"May mababago ba kung maging malungkot ako," sagot nito.
"Tila maayos ang lahat sa iyo, Tata Poloniong."
"May naani rin naman ako kahit kaunti," sabi nito at nagniningning ang mga mata. Puno ng pag-asa at tiwala sa kabila ng trahedya. "May katwiran ang Diyos sa mga nangyari."
"Anong katwiran?" tanong ko.
"Kaming mga magsasaka ay lagi nang hindi nakukuntento sa aming ani. Dati ay 45 kaban kada ektarya ang inaani namin subalit hindi kami masaya. Nadoble ang aming ani sa 90 kaban. Iniisip mo bang kuntento na kami? Hindi, gusto pa namin ay higit pa. Ngayon 120 kaban na subalit nagrereklamo pa kami sa Diyos dahil sa hindi pagbibigay ng higit pa. Maaaring tinuturuan lang kami ng leksyon ng Diyos sa nangyari. Hindi ako nalulungkot o nagagalit sa Diyos."