Sinabi ni Jaafar na ang kanilang misyon ay upang makita ang totoong kondisyon ng mga lugar kung saan nakakulong ang mga Pilipino deportees nang sa gayon ay makipag-ugnayan sila sa mga awtoridad ng Malaysia na mabigyan ng karapat-dapat na pangangalaga ang ating mga kababayan.
Ang aksyon ni GMA ay upang hindi na maulit ang karanasan ng mga naunang grupo ng deportees na dumanas ng ibat ibang uri ng kalupitan at kalapastanganan sa kamay ng mga Malaysians. May 13 bata ang namatay at mahigit na 50 mga bata at mga matatandang kababayan natin ang hanggang ngayon ay nararatay pa sa karamdaman at pagdadalamhati.
Hindi lamang ngayon naganap ang pagmamalabis sa mga Pilipino na nangibang-bayan upang maghanapbuhay. Nangyari na ito kay Flor Contemplacion. Hindi na mabibilang ang mga pangyayaring katulad nito sa Saudi Arabia at iba pang bansa na pinamumugaran ng mga overseas Filipino workers, immigrants, documented o undocumented.
Kung tutuusin, maiiwasan sana ng ating mga kababayan ang mga pasakit kung hindi na sila kailangan pang mangibang-bansa pa upang maghanap ng ikabubuhay. Ito ang dapat na matagal nang hinarap ng mga namumuno ng ating bansa. Hindi na maitatanggi na ito ang tanging paraan upang tunay na umunlad ang ating bansa at mapanatili natin ang dangal ng bawat Pilipino.