Pinalusot mo ba ang remedyo sa preno ng kotse mo? Imbis na palitan ang piyesang may tagas ng brake fluid, nagkuripot ka ba at pinasalpak muli ito? Kumpiyansa ka ba na habang bumibiyahe ay hindi mawawalan ng preno? O sinasapalaran mo ba ang buhay mo?
Masamang ugali ng Pilipino ang "puwede na yan." Sa ngalan ng pagtitipid o pagmamadali o pagpapasensiya, sinasakripisyo natin ang kalidad ng trabaho. Ang nangyayariy kapabayaan. Kaya dose-dosena ang namamatay sa sunog, daan-daan ang nalulunod sa sakunang-dagat. Sanhi ng ugaling puwede na ang kulang na fire exits o life boats.
Lalo kung hindi buhay ng tao ang katapat, pabaya ang Pilipino. Sa maraming opisina, asal ng empleyado na puwede na ang low-quality na ginawa niya sa maghapon. Katuwiran niya ay susuweldo naman siya sa katapusan ng buwan. Puwede na rin sa boss miski maraming mali, kasi nagmamadali. At dahil nasanay sila sa ganun, nare-reject tuloy ng buyer ang produkto. Nalulugi sila. Tapos, inis pa sa buyer; kesyo sobrang selan.
Sa Germany, ugali na i-perfect ang trabaho. Maging sa homework ng schoolboy hanggang sa pagbuo ng Mercedes Benz, sinisikap na tama lahat. Sa Finland, hindi lang sa trabaho kundi pati sa disenyo, sinisikap na akma lahat. Sa Japan, para walang mali, naka-manual lahat ng kilos. Bahagi ng kultura nila ang excellence. Kaya maunlad ang ekonomiya.
Sana matuto rin tayo ng excellence sa lahat ng gawain, mula paghugas ng pinggan hanggang pag-repair ng computers. Kapag inugali natin yon, makagagawa na rin tayo ng dishwashers at rocket ships.
O, sabay-sabay nating isigaw, "Di puwede ang puwede na yan." Ang hina naman. Ang tamlay. Parang hindi buo ang loob. Isa pa muli. Ayaw nyo na? Sige na nga, puwede na yan.