Ayon kay Ebdane,walang distinction o pinipili ang kampanya niya laban sa rogue cops sila man ay miyembro ng Maritime Command o anumang unit basta sila ay aarestuhin at ipaparada ni Presidente Arroyo sa media para hindi na tularan ng iba. Kung ang mga accomplishment ni Ebdane nitong mga nagdaang mga araw ang gagawing basehan, mukhang nasa tamang landas siya sa kanyang kampanya laban sa mga kriminal at rogue cops. Baka darating ang araw na magsawa na si GMA sa kapiprisinta ng mga kriminal at rogue cops sa media dahil nga sa sobrang sipag ng mga pulis natin na manghuli sa ngayon.
Pero para maniwala sa kanya ang sambayanan, dapat sigurong unahin ni Ebdane ang paghuli sa mga tiwaling miyembro ng Task Force Jericho na patuloy pa rin sa pamamayagpag sa kanilang tong collection activities. Sila ay may apelyidong Apacible, Mojares, Cayabyab at Sabare. Panay mga opisyal ng pulisya ang mga yan Sir kayat may karapatan kang habulin sila at hambalusin. Kapag nahuli mo na ang mga taong aking nabanggit, iparada mo rin sila sa media para patunayan sa publiko na walang kinikilingan itong kampanya mo na linisin ang hanay ng pulisya.
Kung sabagay, matagal na ang operasyon nitong sina Apacible, Mojares, Cayabyab at Sabare pero mukhang hindi pa alam ni Interior Secretary Joey Lina ang kanilang ilegal na gawain. Baka nagbulag-bulagan lang si Lina? Tanong ng mga pulis na nakausap ko. Ang tanong ngayon ng marami, bakit itong si Lina eh lampas 100 days na ang jueteng campaign niya ay wala pa siyang ipiniprisinta sa media? Samantalang si Ebdane eh halos magdadalawang buwan pa lang sa puwesto eh hingal kabayo na si GMA sa kapiprisinta ng mga huli nila? Liderato kaya ang problema? Sinabi ng mga pulis na nakausap ko na brusko ang dating ni Ebdane sa paglaban sa kriminal at mga rogue cops samantalang itong jueteng campaign ni Lina eh mukhang bading ang dating. Kahit palaging nakasimangot itong si Lina, mukhang hindi na siya pinapansin ng mga opisyales ng pulisya at local government units dahil sa pagkabulgar na tumatanggap din pala ng payola ang Task Force Jericho sa mga gambling lord.
Abot langit ang pagtatwa ni Supt. Noel Estanislao hepe ng Task Force Jericho sa akusasyon subalit hindi siya puwedeng magsinungaling sa sambayanan, lalo na ang masa. Abot nila ang kalakaran sa kalye kayat naniniwala silang namantikaan ang nguso ni Lina sa jueteng nga. Dapat kumilos na si Lina bago maging huli ang lahat. Utusan niya si Ebdane na dakpin at iparada sa media sina Apacible, Mojares, Cayabyab at Sabare para maniwala ang sambayanan na wala siyang pakialam sa tong collection activities nila.