Editoryal - Maraming Pilipino ang di-alam ang Filipino

HANGGANG ngayon marami pa rin ang hindi nakaaalam na ang Filipino ang wika ng mga Pilipino. Marami ang nagkakamali sa paggamit ng Filipino at naipalalagay na ito ang mga taong naninirahan sa Pilipinas. Dapat nang ituwid ang pagkakamaling ito. Malinaw ang nakasaad sa Saligang batas ng 1987, Seksiyon 6: Ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang ito’y pauunlarin at pagyayamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Nakalulungkot na tuwing Agosto lamang lubu–sang napagtutuunan ng pansin ang ilang problemang may kinalaman sa paggamit ng wikang Filipino. Sa mga eskuwelahan, kung kailan Agosto saka lamang idinidikdik sa isipan ng mga estudyante ang tamang paggamit at pagbaybay ng mga salitang Filipino. Para bang ang Filipino ay pana-panahon lamang kung gamitin. Pagkatapos ng Agosto ay balik sa dati ang mga estudyante sa pagwawalang-halaga sa wikang pambansa.

Bihira pa rin marahil na ang nakaaalam na ang alfabetong Filipino ay binubuo na ngayon ng 28 letra: A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ñ, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W X, Y, Z. Nadagdagan ng walong letra ang dating 20 letra ng ABAKADA. Naging malaya ang pagbaybay at paggamit sa mga salitang Filipino at ganoon din sa mga salitang hiram. Karamihan sa mga nasa liblib na barangay ay hindi nalalaman ang metamorposis ng wikang Filipino. Bihira kasi ang mga nakararating na diyaryong Filipino o kung mayroon man, hindi makabili dahil sa kahirapan ng buhay. Ang ibibili ng diyaryo ay ibibili na ng pagkain.

Ang broadcast at print media ang mabisang gabay ng taumbayan para matutuhan ang tamang Filipino. Subalit marami sa media practitioners ang hindi rin naman alam ang tamang paggamit ng Filipino. Kulang sila sa kaalaman kaya ang naisusubo sa utak ng mga mambabasa ay pawang kamalian din sa paggamit ng wikang pambansa.

Sa ganitong problema dapat kumilos ang pamahalaan upang maituwid ang mga pagkakamali. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay isa sa mga dapat kumilos upang maituwid ang pagkakamali. Magkaroon pa ng mga seminar/workshop para sa mga media practitioner. Maglunsad ng mga patimpalak sa pagsulat ng kuwento, nobela at dula. Karaniwang ang inilulunsad lamang ng KWF ay pagsulat ng tula at sanaysay na ginagawa kung Abril lamang bilang paggunita kay Balagtas.

Panahon na para ituro sa mga Pilipino ang paggamit ng tamang Filipino. Simulan na ngayon.

Show comments