Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, sinasabi ni Jesus sa atin kung ano ang tunay na pagmamahal. (Mt. 22:34-40).
Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito: Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan? Sumagot si Jesus, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.
Ang utos na mahalin nang ganap ang Diyos at mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay tunay na pagmamahal. Ito ang sinserong pagmamahal. Nililimot nito ang sarili. Nagpapakita ito ng malasakit sa iba. Handa nitong isakripisyo ang sarili para sa iba. Masaya itong nagtitiis ng hirap at sakit para sa ikaluluwag ng iba.
Ang uri ng pagmamahal na ito ay nasa isang ina kapag kanyang inaalagaan ang kanyang sanggol. Nagtitiis siya ng puyat upang palitan ng lampin ang kanyang sanggol. Ipinagpapaliban niya ang tulog at pahinga upang maaruga ang kanyang yaman. Niyayakap niya ang kanyang sanggol ng ilang beses sa isang araw. Ang init ng kanyang katawan ang naghahatid ng kanyang pagmamahal at pag-aaruga sa kanyang sanggol. Sa ganitong paraan natutuhan ng sanggol ang magmahal at kung ano ang pagmamahal.
Ito ay tunay na tunay lalo na sa isang Pilipinong ina. Sa ganitong paraan, ang isang ina ay instrumento ng Diyos upang ipaabot ang kanyang pagmamahal sa mga Pilipino. Sa isang matahimik na paraan. Subalit sa isang tuluy-tuloy at nadaramang paraan.