Kung ang informer sa shabu laboratory sa Quezon City ay binigyan kaagad ng reward na mahigit P800,000 ng Malacañang, bakit halos pitong buwan na itong kini-claim ni Jedi ay hindi pa rin madesisyunan ni GMA? Tanong ng mga informers. Sumulat kay GMA itong si Jedi at nagsusumamo na dapat aabot sa P5 milyon ang matatanggap niyang reward sa paglansag ng San Juan shabu laboratory, na puwedeng makapag-manufacture ng 100,000 kilo ng shabu kada buwan.
Sinabi ni Jedi na angkop lang ang P5 milyon na reward para mailayo niya ang kanyang sarili pati ang kanyang pamilya sa mga mata ng mga big-time Chinese drug syndicates na nasa likod ng operasyon ng shabu lab. Alam niya, may kakayahan ang sindikato na gantihan siya dahil maraming pera ang mga ito at kumpleto ang makinarya. Iginigiit naman ni retired police Director Miguel Coronel, executive director ng National Drug Law Enforcement and Prevention Coordinating Council (NDLEPCC) na ang reward na matatanggap ni Jedi sa San Juan lab ay aabot lamang ng P126,000.
Ang computation ni Coronel ay ibinase sa nakumpiskang shabu at mga raw materials. Hindi niya pinansin ang mga kasangkapan o gamit sa paggawa ng shabu. Sa tingin ko naman, may katwirang magtampo si Jedi. Hindi biro kasi na kumalas ka sa isang malaking sindikato ng droga at ituturo mo pa ang mga miyembro nila para maaresto at makalaboso nga.
Kaya siya bumaligtad ani Jedi, ay bunga sa pangakong reward na sa tingin niya ay kaya nang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Pero nagkamali siya. Dahil sa kokonting reward na inilaan para sa San Juan shabu lab, hindi malaman sa ngayon ni Jedi kung saan siya kukuha ng panggastos para ilipat sa ibat ibang lugar ang kanyang pamilya. Hindi rin kinuha ang P126,000 dahil sa pag-asang makikialam si GMA at maitataas ang reward niya. He-he-he! Umaasa siya sa wala, di ba mga suki?
Ang hindi makatarungang sinapit ni Jedi ay nakarating sa iba pang mga kasamahan niya na hindi naman nag-aksayang magdesisyon na iwanan na ang trabaho nila bilang informer ng Narcgroup. Mula Nobyembre noong nakaraang taon hanggang Abril ay sunud-sunod ang malalaking accomplishments ng Narcgroup dahil ke Jedi at kasamahan niyang informers. Pero pagdating ng Mayo wala ng halos accomplishments ang Narcgroup dahil ayaw ng kumilos ni Jedi at ng kasamahan dahil sa tingin nila hindi sinsero ang gobyerno ni GMA sa kampanya laban sa droga.
Ang tanong ngayon, paano makukuha ni GMA ang suporta ng sambayanan na wasakin itong 27 drug syndicates sa bansa kung wala ng gustong maging informer dahil sa maling reward system ng gobyerno? Dapat sigurong mag-usap ang mga partido na nangangasiwa sa anti-drug campaign ng gobyerno para malutas ito bago maging huli ang lahat.