Tatlumput isang opisyal at empleyado ng DPWH ang sasampahan ng kasong administratibo dahil sa paglustay ng P150 milyong pondo. Ang mga opisyal at empleyado ay inakusahang pumirma nang may 7,000 vouchers para sa "dinoktor" na expenses sa mahigit na 500 DPWH vehicles at heavy equipment. Ibinulsa nang mga inakusahang opisyal at empleyado ang pera. Ang anomalya ay nagsimula pa noong 1980s at natuklasan lamang may pitong buwan ang nakararaan. Ang mga "dinoktor" na halaga ng repairs sa DPWH vehicles ay mas malaki pa sa aktuwal na halaga ng sasakyan. Nakagugulat malaman na noong nakaraang taon gumastos ang DPWH ng P900,000 para sa repair ng Mercedes Benz!
Ang Arroyo administration ay nagpapakita ng tigas sa mga "halang ang kaluluwa" subalit tila malambot naman sa mga gumagawa ng katiwalian. Paano makapagtatatag ng matibay na republika kung nasa paligid ang mga tiwali at nagpapasasa sa pera ng bansa. Ang DPWH ay isa sa mga corrupt na departamento ng pamahalaan. Kasama ng DPWH sa pagiging corrupt ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Philippine National Police.
Nararapat nang madurog ang mga tiwali sa DPWH. Dapat suot ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang kamay na bakal at ibigwas sa mga tiwali sa nasabing tanggapan. Hindi bat ang pagdurog sa mga tiwali ang kanyang ipinangako noong manumpa siya noong 2001 bilang Presidente? Ngayon na ang tamang panahon para ipakita ang kanyang mga sinabi. Kapag natupad ang banta, tiyak na magkakaroon na ng pagkakataon ang isang matatag na republika na kanyang pinapangarap.