Ang suspek sa pagkamatay ng dalawang bata ay si Eduardo Javillonar, 38, isang taxi driver at naninirahan sa Goodwill Townhomes ng nasabi ring lugar.
Ayon sa salaysay ng pangunahing saksi na si Alexander Galgana, 6-anyos na kalaro rin ng mga biktima, sinasabing nag-ugat ang pangyayari sa isang aksidenteng naganap sa playground ng nasabing lugar nang di-sinasadyang nauntog sa sinasakyang swing ni Denis Caandoy ang isang batang babae na ikinasugat ng ulo nito.
Matapos ang pangyayari ay nagtakbuhan ang mga bata. Hinabol umano sila ng ama ng batang nasugatan. Hindi sila inabutan. Nagpasyang bumalik ang mga biktima sa palaruan upang maglarong muli matapos ang ilang linggo.
Ayon sa saksi, niyaya siya umano ng biktimang si Caandoy na magtungo sa palaruan, kasama ang isa pang biktimang si Buenaobra. Pagdating sa nasabing lugar ay nakita naman ng mga ito ang tatlong lalaki na nagbantang kapag nahuli sila ng mga ito ay dadalhin daw sila sa fishpond. Dahil sa takot, nagtakbuhan ang mga bata sa ibat ibang direksiyon, at sinamang-palad nga na mahuli ng mga kalalakihan ang dalawang biktima. Pinalad naman ang saksing si Galgana, na ayon sa kanyay nagtago siya sa isang basurahan sa paligid.
Sa isang police line-up na ipinakita sa saksi, agad na nakilala at itinuro ng bata ang suspek, na ayon sa kanyay siyang nagmaneho ng pulang taksi kasama ang mga bata matapos nilang mahuli ang mga ito. Nakita umano ng bata ang pagpukpok ng bato ng suspek sa ulo ni Caandoy. Isinakay ang biktima sa taxi.
Nauwi ang paghahanap ng mga magulang ng biktima sa isang fishpond na kung saan ay nakilala nila ang kanilang mga anak. Natagpuan ang batang si Caandoy na may sugat sa noo. Sa pagsisiyasat sa mga bangkay, napag-alamang pagkalunod ang naging dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.
Itinanggi ng suspek ang kaugnayan niya sa krimen.
Hindi na umusad ang kaso simula pa noong Pebrero 18, 1998. Ayon sa mga magulang ng biktima, lumabas daw ng bansa ang suspek at kasalukuyan umanong contract worker sa Saudi Arabia.
Kung nailabas na ang warrant of arrest para sa suspek, at ang pagbabawal ng piyansa para rito, bakit tila napabayaan ng mga kinauukulang mangyari pa ang malungkot na kalagayang ito sa takbo ng kaso? Ito ang dahilan kung bakit dumulog sa VACC ang mga naiwan ng mga biktima upang hingin muli ang tulong sa pagsusulong ng kaso.