Gustong makuha ang savings sa Pag-IBIG

Ako po ay isang clerk sa isang public school dito sa Baguio City. Mahigit 20 years na po akong miyembro ng Pag-IBIG. Dati na po akong umutang ng Multi-Purpose Loan subalit nabayaran ko na po ito at sa ngayon ay wala na akong pagkakautang sa Pag-IBIG.

Maaari ko po bang kunin ang aking mga kontribusyon o provident savings dahil nag-mature na ang aking membership? Gaano po kalaki ang aking makukuha at matagal po ba ang processing? Ano po ba ang kailangan kong gawin? – Anita Martin


Ang membership maturity sa Pag-IBIG ay isa sa mga rason upang makuha ng isang miyembro ang kanyang provident benefit. Ang membership ay nagma-mature paglipas ng 20 taon at pagbabayad ng 240 buwanang kontribusyon. Sa iyong kaso, kung kayo ay mahigit ng 20 taong miyembro ng Pag-IBIG at nakapaghulog ng 240 buwanang kontribusyon ay maaari ninyong i-claim ang inyong provident savings mula sa Pag-IBIG.

Ang provident savings ay ang kabuuan ng iyong personal na kontribusyon pati na rin ang kontribusyon ng iyong employer at mga dibidendong naipon. Dahil wala ka namang pagkakautang sa Pag-IBIG ay buo mong matatanggap ang halaga.

Ang pag-proseso sa aplikasyon para sa provident benefit ay aabutin ng 22 working days kung kumpleto at walang problema sa iyong mga papeles. Kailangan mong mag-fill-up ng Application for Provident Benefit Form at magsumite sa iyong Pag-IBIG Branch ng iyong service record kung ikaw ay empleyado ng national government. Ipadadala ko sa iyo ang brochure ng Pag-IBIG Membership Maturity upang mabasa mo ang iba pang impormasyon tungkol dito.

Para sa katanungan, ipadala ang inyong mga liham sa Office of the Chairman, Housing and Urban Development Coordinating Council, 6th Floor, Makati Avenue, Makati City. Pakilagay lamang kung gusto ninyong ilathala ang inyong mga liham sa column na ito. Maraming salamat po.

Show comments