Sumulat ako upang malaman kung talaga po bang ibinebenta ang mga bahay sa Golden City, Sta. Rosa Laguna na sa pamamagitan muna ng rights at pagkatapos itong ma-foreclosed ay puwede naming bayaran sa HUDCC? Sa katunayan ay nakabili po ako ng rights sa isang bahay sa halagang P88,000 at sa kasalukuyan ay tinitirhan ng mag-ama ko.
Ano po ba ang status ko diyan sa bahay? Talaga po bang priority kami na makabili ng bahay sakaling ito ay ma-foreclosed? Sana po ay bigyan nyo ng pansin ang liham kong ito dahil sa kasalukuyan ay tuloy ang bentahan at pataasan ng presyo. Hinihintay ko po ang inyong sagot at payo. SUSAN LILAGAN ng Laguna
Sa Golden City ay may humigit kumulang na 100 accounts o bahay ang nakapasok sa National Home Mortgage and Finance Corporation (NHMFC) 54 dito ang foreclosed at 58 dito ang nakapasok sa Sale of Mortgage Rights (SAMOR). Ang HUDCC ay hindi nagbebenta ng bahay at lupa o kaya ng mga rights.
Sa inyong sulat, kulang na kulang ang detalye na ibinigay ninyo kung kaya hindi natin matiyak kung ang bahay na nabili nyo ay nasa ilalim nga ng SAMOR. Hindi rin natin makikita kung ang perang ibinayad nyo sa rights ay naipasok ng ahente sa NHMFC. Kung nasabi nyo man lang sana ang address ng bahay ay maaaring makukuha na natin ang status ng account. Ganoon pa man maaari kayong tumawag o makipag-ugnayan kay Ms. Mimi Arietta, Area Manager Laguna Collection Group II ng NHMFC (893-15-01 loc. 372) upang maibigay ninyo ang detalye ng inyong kaso at upang matiyak ninyo ang status ng inyong account. Papayuhan din kayo ng maaari ninyong gawin. Kung maaari sana ay payuhan nyo rin ang inyong mga kapitbahay o kakilala na nais bumili ng mga rights sa Golden City o kaya ang inyong mga nakabili na sumangguni sa NHMFC sa lalong madaling panahon upang makaiwas sa problema.