Ang mga sinibak sa tungkulin ay sina National Capital Region Police Deputy Director General Edgardo Aglipay Jr., Region III Director Gen. Reynaldo Berroya, Region IV Director Gen. Domingo Reyes, Region VII Director Gen. Avelino Razon, Colonel Nilo de la Cruz, Laguna provincial chief, Col. Jose Antonio Salvacion, Cebu provincial chief at Western Police District Chief Superintendent Nicolas Pacinos Jr.
Talamak ang jueteng sa buong bansa. Parang cancer na hindi mapigil ang pagkalat. Parang problema rin sa droga ang jueteng na kahit saang lupalop ng Pilipinas ay nakakalat. Nakagapos na sa jueteng ang mahihirap at kahit na ang pambili ng bigas na isasaing ay itinataya. Karaniwang sa mga squatters area umiikot ang kubrador at naging bahagi na ng kanilang buhay sa matagal na panahon. Maging ang mga tutulug-tulog na barangay ay hindi ligtas sa pananalasa ng jueteng. Iniaasa na sa sugal na ito ang kanilang kinabukasan.
Ang hakbang ni Lina sa pagsibak sa mga police officer ay mabisang hakbang para sa pagdurog sa jueteng. Hindi na kaila na ang mga opisyal ng pulis ay kumikita nang malaking pera sa jueteng dahil sa ibinibigay nilang proteksiyon. Milyong piso ang usapan dito. Isang dahilan kung bakit hindi mapigil ang jueteng.
Subalit sa biglaang desisyon ni Lina sa pagsibak sa mga police officer, dapat sanay sabay na rin siyang nagbagsak ng talim sa mga corrupt na mayor o governor na nakikinabang din sa jueteng. Sibakan kung sibakan! Ipakita ang ngitngit hindi lamang sa mga police officer kundi sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Sa ganyan lalong hahangaan si Lina. Hindi sana ningas-kugon lamang ang hakbang na ito at pangmatagalang solusyon sa pagdurog sa illegal na jueteng. Sana ngay totoo na ito at hindi pakitang-tao o para magpabango sa taumbayan.