Taun-taon, isa sa bawat 200,000 Pilipino ang natutuklasang may sakit sa bato mula simpleng urinary tract infection hanggang malalang kidney failure. Madaling gamutin ang una sa pag-inom ng konting gamot at maraming tubig. Sa kidney failure, magastos na dialysis o transplant na ang solusyon. Maraming nakakaligtaan ang kanilang bato o natatakot magpagamot. Isa ito sa 10 pinaka-nakamamatay na sakit sa Pilipinas.
Sampung hakbang ang ipinapayo ng nephrologists para maiwasan o ma-detect agad ang sakit sa bato:
1. Uminom ng walo hanggang 10 basong tubig o juice araw-araw. Panghugas ito ng laman-loob.
2. Balansehin ang diet; huwag masyadong maalat o matamis.
3. Sa mga babae, maging malinis parati sa katawan.
4. Gawing regular ang pagdumi.
5. Magpa-blood pressure dalawang beses kada taon. Miski bata, dapat ito. Maaring sanhi o magdulot ng kidney disease ang hypertension.
6. Magpatingin sa doktor kung impektado ang lalamunan o balat. Baka dala ito ng sakit sa bato.
7. Magpabakuna sa lahat ng puwedeng sakit, lalo na ang sanggol.
8. Sa mga bata, huwag paglaruan o pigilin ang pag-ihi.
9. Iwasang paglaruan ang inyong private parts. (Private parts kaya ng iba, puwede? Ay bastos.)
10. Magpa-urinalysis kada taon. Ginagawa ito sa lahat ng ospital.
Kung grabe na ang sakit sa bato, tumungo agad sa NKTI. Siyempre may gastos, pero meron ding discount sa kapuspalad.
Huwag naman sana, pero kung kailangan ng transplant, kamag-anak ang pinaka-mabisang donor. Nagta-transplant din ng atay sa NKTI.