Mabigat na responsibilidad ang paghawak sa isang organisasyong tulad ng PNP. Mapalad si Ebdane sapagkat sa karamihan ng mga nag-aambisyong maging hepe ng PNP ay siya pa rin ang napisil ni GMA. Marami ang "bumato" para siya malaglag subalit wala nang magagawa pa. Nakatakda siyang manumpa sa tungkulin at sasagupain ang mga unos sa makontrobersiyang organisasyon.
Maraming dapat baguhin sa PNP. Unang-una na ang pagwalis sa mga miyembrong "bugok". Maraming "bugok na itlog" sa PNP na nagiging dahilan para mahawa ang iba pa. Sa katunayan, marami na ang natatakot sa mga miyembro ng PNP sa halip na lapitan. Paanoy sa halip na matulungan ang sibilyan na nangangailangan, ay ipinahahamak pa. Hindi na kaila ang mga nangyayaring ito na lalo namang nagpapasama at nagdadagdag ng uling sa uniporme at pagkatao ng mga pulis. Gaano karaming pulis na ang nakakabit sa kanilang pangalan ay ang "kotong"? Ang sama! Ang baho!
Maraming mali sa sistema ng PNP na dapat makita ng bagong hepe. Maraming mga miyembro rito na may kakayahan subalit naiigpawan ng iba pa dahil sa "palakasan" o "bata-bata" system. Nararapat durugin ni Ebdane ang masamang praktis na ito upang hindi magkaroon ng pagkakawatak-watak.
Maraming dapat matutuhan ang mga pulis lalo na sa paghawak ng mahihigpit na sitwasyon. Naging katawa-tawa ang PNP dahil sa hostage taking sa Pasay noong May 31, 2002 kung saan ay isang bata ang napatay. Hinostage si Dexter Balala ng drug addict na si Diomedes Talbo at hinayaan ng mga pulis na tarakan nito ng patalim ang murang katawan ng bata. Hindi lamang ang Pasay police ang naging katawa-tawa kundi ang buong organisasyon.
Maraming kontrobersiyal na kaso ang hindi nalulutas ng PNP. Ilan dito ang Nida Blanca murder case, Bubby Dacer case, Dec. 30, 2000 bombings at marami pang iba. Talamak pa rin ang kidnapping.
Mabangis ang "unos" sa PNP at dapat itong paghandaan ni Ebdane. Baguhin ang PNP at linising mabuti.