Ang MWSI at MWC ay pinaniniwalaang mag-iincrease ng singil sa tubig ng P4.21 hanggang P6 bawat cubic meter. Marami rin naman ang nagsasabi na magtataas ang dalawang conscessionaires nang hanggang P30 bawat cubic meter. Ang pagtataas ng singil ay may kaugnayan sa umanoy pagkalugi ng MWSI at MWC. Nakasaad na umano ang pagtataas sa inaprubahang extraordinary price adjustment (ERA). Ang paniningil ay isasaad naman sa special transitory mechanism (STM). Milyong dollar ang utang ng dalawang kompanya at ito ay isasaad sa STM. Ayon pa sa MWSI at MWC, nakalagay ito sa proposal nila sa MWSS.
Ang STM ay naihahalintulad sa PPA ng Meralco. Ang mga utang ay ikakarga sa balikat ng taumbayan. Walang ibang magpapasan kundi ang mahihirap na sakal na sakal na sa mga kahirapan. Hindi pa lubusang nakakakawala sa PPA ay eto na naman at STM naman ang magpapahirap.
Walang tigil sa pagtataas ang dalawang concessionaires at naging taliwas sa sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan noong 1997 na kapag na-pribado ang mga ito ay bababa ang singil. Nalinlang ang taumbayan sapagkat tumaas pa nang tumaas ang singil. Habang naniningil, walang tigil naman ang pagtagas ng tubig sa maraming lugar sa Metro Manila. Maraming sirang tubo na umaalagwa ang tubig. Maraming nasasayang habang marami rin naman ang walang tubig sa kanilang gripo at hangin ang lumalabas.
Ang pagtataas ng singil ang prayoridad ng MWSI at MWC at hindi ang magandang serbisyo sa taumbayan. Nakangingitngit ang ganitong kalagayan.