Hindi na kataka-taka kung si Sabaya ang unang itanong ni Mrs. Burnham sapagkat mahigit isang taon silang binihag ng mga bandido makaraang kidnapin sa Dos Palmas resort noong May 27, 2001. Ang isang taon sa piling ng mga walang kaluluwa ay hindi malilimutan. Mas lalo nang hindi malilimutan sapagkat ang asawa niyang si Martin ay namatay sa tindi ng labanan. Umanoy sinalag pa ni Martin ng sariling katawan para hindi tamaan ng bala si Gracia. Sa hita siya tinamaan. Pinaniniwalaang ang balang tumapos sa buhay ni Martin ay sa mga bandido na rin. Namatay din sa enkuwentro si Ediborah Yap, ang nurse na Pinay. Si Ediborah ay kinidnap ng mga bandido nang kubkubin ang Jose Torres Memorial Hospital sa Basilan.
Hindi na nga maaalis sa isipan ni Mrs. Burnham si Abu Sabaya at ang Abu Sayyaf sa kabuuan. Ang hirap na kanilang dinanas sa piling ng mga bandido ay hindi mapapantayan. Mahigit isang taon silang balisa ang isip na hindi malaman kung ano ang kahahantungan. Nasa hukay ang kanilang isang paa na nangyari kay Martin at Ediborah.
Ang banta ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa mga Abu Sayyaf ay nararapat magkaroon ng katuparan. Tapusin na sila sa lalong madaling panahon. Huwag nang papormahin pa. Nagbanta pa ang mga bandido na muli silang mangingidnap. Ngayon ipakita ng pamahalaan na seryoso na sila sa pagpulbos sa mga bandido at hindi puro banta lamang kagaya nang nakalipas na dalawang administrasyon. Tapusin na sila para hindi maging katawa-tawa at kahiya-hiya sa buong mundo ang bansang ito.