OFW na gustong magkabahay

Dear Sec. Mike Defensor:

Ako po ay 52 years old na, may asawa at anak, nagtatrabaho dito sa Saudi bilang metal engraver. Matagal ko nang pangarap ang magkaroon ng sariling bahay sapagkat matagal na ring nangungupahan ang aking pamilya sa Quezon City mula pa noong 1977. Sana po ay matulungan n’yo ang aking pamilya na magkaroon ng maayos na tirahan.

Matagal ko na pong nababasa ang tungkol sa programa ng Pag-IBIG para sa OFW sa inyong kolum kaya lang hindi po ako miyembro. Puwede kaya ang aking anak na maging miyembro? – Gregorio Amor


Sadyang may programa ang Pag-IBIG para sa mga katulad ninyong OFW. Ang kontribusyon ninyo bawat buwan ay mula US$20 hanggang US$50. Kapag mas mataas ang iyong kontribusyon ay mas mataas din ang halagang maaari mong utangin. Kapag nakapaghulog na kayo ng halagang katumbas ng 12 buwan ay maaari kayong umutang ng Housing Loan. Diyan sa Saudi, maaari kayong makipag-ugnayan sa Pag-IBIG Overseas Program (POP) c/o Philippine Embassy Site D4, Collector Rd. C, Diplomatic Quarters P.O. Box 94366, Riyadh 11693 para sa Central Region o kaya naman sa Pag-IBIG Overseas Program c/o Philippine Consulate General Sarhan Al Ajmawi St., Al Faisaliyyah District I P.O. Box 4794, Jeddah 21412, K.S.A. para sa Western Region. Para sa karagdagang impormasyon sa POP, ipapadala ko sa inyo ang brochure para iyong mabasa at mapag-aralan. Maari ring maging miyembro ang iyong anak sa Pag-IBIG ngunit hinihikayat ko na kayong dalawa ay maging miyembro upang matamasa ninyong dalawa ang mga benepisyo at pribilehiyo bilang miyembro ng Pag-IBIG.

Inirerekomenda ko ang Rent-to-Own Program ng Pag-IBIG para sa murang pabahay. Ipapadala ko rin sa iyo ang brochure ng Rent-to-Own para sa karagdagang impormasyon.

Sa mga katanungan ipadala ang inyong mga liham sa – Office of the Chairman Housing and Urban Development Council, 6th Floor Atrium Building, Makati Avenue, Makati City. Pakilagay lamang kung nais niyong ilathala ang inyong liham sa column na ito. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik.

Show comments