Sang-ayon ako. Dapat ubusin ang mga kriminal na salot sa lipunan. Pero may moral at legal na paraang pagsugpo sa kanila: tugisin ng pulis, isakdal ng piskal, litisin ng huwes, ikulong o ibitay ng taga-preso. Hindi yung isa-salvage na lang basta ng pulis na wala nang pagdinig sa kaso. Kasi kung ibibigay lang sa pulis lahat, delikado ang inosente. Yan nga ang nangyari sa KB case.
Hindi lang 11 ang patay sa insidente nung Mayo 18, 1995; 13 lahat kung isasama ang bangkay ng dalawang babaeng natagpuan sa Pasig at Laguna nung hapon makalipas ang madaling-araw na pagratrat sa 11 sa Quezon City. Sabit lang ang dalawang babae. At batay sa records, tila sabit lang din ang lima sa 11.
Walong lalaki ang nahuli sa hideout ng KB bank robbery gang sa Superville Subd., Parañaque, nung gabi ng Mayo 17. Dalawa sa walo ay menor de edad, mga batang nagbabakasyon sa Maynila mula Ozamiz. Dinala sila sa Camp Crame kung saan, ayon sa mga testigo, inutos na i-salvage sila. Isinama ang dalawa pang lalaking nakakulong sa Crame. Wala silang kinalaman sa KB. Ewan natin kung ano ang kaso, baka jaywalking lang. Sampu ang niratrat sa Commonwealth Avenue; yun ang initial report at may retrato pa. Pero ang inanunsiyo sa media ay 11; isinama ang isang bangkay na matagal nang naka-freezer sa Crame.
Lumalabas na sa kabuuang 13 patay, anim lang ang suspect na KB gangster. Pito ay nadamay lang at tinamaan ng ligaw na bala.
Ang leksiyon dito, mabuti nang sumunod na lang sa moral at legal na proseso. Sa ganung paraan, mahihiwalay ang guilty. Hindi masasabit ang inosente.
Isipin na lang kung ikaw ang nasabit lang sa raratratin. Patay ka.