Nagkaroon ng SK special registration noong May 20-21 na pinamahalaan ng Commission on Elections. Subalit nakadidismaya ang resulta ng registration sapagkat "nilangaw". Hindi nagkaroon ng interes ang mga kabataan para magparehistro at nang makaboto sa darating na Hulyo. Napanis sa kahihintay ang mga tauhan ng Comelec subalit mangilan-ngilan lamang ang nagpatala.
Ang nakadidismayang resulta ng SK registration ay nagpapakita lamang na wala nang panahon ang kabataan sa pakikilahok sa pulitika. Mas makabubuti pa nga kung bubuwagin na ang SK at akayin naman sila ng pamahalaan sa mas makabuluhang aktibidad. Pasiglahin ang kanilang pag-aaral upang makatamo ng karangalan. Bigyan ng suporta sa anumang organisasyon na kanilang itatatag na malayo naman sa hibo ng pulitika. Tulungang mapaunlad ang nalalaman sa larangan ng Siyensiya at Matematika na ngayoy kapuna-punang nagiging kulelat. Pati sa English ay mapurol na rin.
Maging si President Gloria Macapagal-Arroyo ay nagpahiwatig na gusto na niyang ibasura ang SK at ipinaubaya ang pasya sa Kongreso. Ayon sa Presidente, magandang ideya ang pagbasura sa SK dahil ang kanyang paniniwala, ang pangunahing responsibilidad ng mga kabataan ay ang pag-aaral. Maaari rin naman aniyang matutuhan ng mga kabataan sa paaralan ang art of governance.
Gastos lamang ang napapala sa SK at napapanahon na para ito ibasura. Maiiwasan din ng mga kabataan na maagang maging corrupt at maging gahaman. Habang maaga ay ilayo sila sa piling ng mga pulitiko na nag-aakay rin naman sa kanila para matutong bumato ng putik.