Hindi na bale kung maraming tao ang pabaya sa pagtatapon ng kanilang basura. Bahala na ang mga bata. Hindi bat ang pagdami ng mga paslit sa mga squatter colonies ay kasabay din ng pagtambak ng basura sa paligid.
Mainam kung papalawakin ng MMDA ang panukala at bigyan ng bonus ang mga batang magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong mahilig magkalat. Hindi praktikal na i-recycle ang mga taong nagkakalat. Mas mabuting mabulok na lang sila sa kulungan.
Naisip ng MMDA ang mga paslit, pero paano naman ang mga magulang? Dapat bigyan sila ng pagkakataon na makapagbigay ng impormasyon upang madakip ang mga masasamang loob kapalit ng pera.
Habang naghahakot ng basura, hukbo-hukbong magulang na walang trabaho ang kumikita habang nagmamasid sa paligid ng kanilang barangay. Isa itong naiibang paraan upang masawata ang kriminalidad at maibsan ang antas ng mga walang trabaho.
Malaki ang pag-asa na magtagumpay ang programang Basura-Palit-Baon ni MMDA Chairman Benjamin Abalos. Dapat silang papurihan. Isa itong kahanga-hangang solusyon sa problema sa basura.