Huwarang pastol si Pedro

HINIRANG ni Jesus si Pedro bilang kanyang unang kinatawan o "vicar" sa lupa. Si Pedro ang unang Papa. Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, sinasabi ni Jesus kay Pedro kung paano niya pangangalagaan ang kawan ni Jesus.

Basahin natin ang magandang kuwentong ito ayon sa pagkakatala ni Juan (Jn. 21:15-19).

Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, ‘Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?’ ‘Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,’ tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Pakanin mo ang aking mga batang tupa.’ Muli siyang tinanong ni Jesus, ‘Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?’ Sumagot si Pedro, ‘Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.’ Ani Jesus, ‘Pangalagaan mo ang aking mga tupa.’ Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, ‘Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?’ At sumagot siya, ‘Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.’ Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: Noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.’ (Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos.’ Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Sumunod ka sa akin!’"


Itala natin na dapat pakanin ni Pedro kapwa ang mga batang tupa at mga tupa. Ito ang ginawa ni Jesus para sa kanyang mga alagad. Pinakain niya sila. Tulad ni Jesus, si Pedro ay dapat ding maging handa na ialay ang kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. Sinasabi ng tradisyon na si Pedro ay ipinako sa krus na nakatiwarik.

Gamitin natin ang pagkakataong ito upang ipanalangin ang ating kasalukuyang Papa, si Juan Pablo II. Hindi siya ipinapako sa krus. Subalit siya’y tumatanda na. Sinalanta ng Parkinson’s disease ang kanyang katawan. Datapwat patuloy pa rin ang kanyang pagsusumikap na gumanap sa mga gawain at dumalo sa mga seremonya na karaniwang ginagawa ng Papa.

Ipanalangin natin na ang Banal na Papa ay maging malusog upang sa ikatlong pagkakataon ay makarating uli siya sa Pilipinas sa okasyon ng pagkokonsegra sa mga pamilya. Magagawa ng panalangin ang lahat ng bagay. Ang panalangin ninyo’t panalangin ko.

Show comments