Subalit kailangang basahin at pagnilayan natin ang panalanging ito ni Jesus mula sa punto de vista o sa pananaw ng pagkabuhay ng mag-uli. Sa katunayan, ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat 60 taon na ang nakararaan pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay na mag-muli ni Jesus. Isinulat ni Juan ang Ebanghelyong ito para sa mga Kristiyano ng mga panahong 90 o 100 A.D.
Pakinggan sa inyong puso ang panalangin ni Jesus (Jn. 17:11-19).
At ngayon, akoy papunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila. Amang banal, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, pangalang ibinigay mo sa akin, upang silay maging isa, kung paanong tayoy iisa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalang ibinigay mo sa akin. Inalagaan ko sila at ni isay walang napahamak, liban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang Kasulatan. Ngunit ngayon, akoy papunta na sa iyo; at sinasabi ko ito habang akoy nasa sanlibutan upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila makasanlibutan. Hindi ko idinadalanging alisin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila makasanlibutan, tulad kong hindi makasanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita moy katotohanan. Kung paanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayon din naman, sinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanilay itinatalaga ko ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.
Nananalangin si Jesus sa Ama na naway mapanatiling ligtas ang kanyang mga alagad. Hindi niya hinihingi sa Ama na kunin sila at alisin sa mundo. Nananalangin siya sa ipagsanggalang sila ng Ama mula sa Masama. Tunay ngang nakapagpapalubag-loob at nakapagpapatatag ang panalanging ito ni Jesus para sa kanyang mga alagad. Subalit huwag nating kalilimutan na ang panalanging ito ni Jesus ay para rin sa atin na nabubuhay dalawang milenyo pagkatapos ni Jesus.
Pagkatapos niyang maipanalangin nang ganoon ang kanyang mga alagad, sinugo sila ni Jesus sa buong mundo upang magbigay-saksi o magpatunay sa katotohanan. Ang katotohanan na si Jesus ang Tagapagligtas ng lahat ng sangkatauhan.