Ako po ay 15 taon nang miyembro ng Pag-IBIG, ngunit hindi ko pa nararanasan ang benepisyo nito. Ang alam ko po ay nagbabayad ako ng P100 buwan-buwan na kinakaltas sa aking sahod.
Malapit na naman po ang pasukan at hindi ko pa alam kung saan ako makakukuha ng pangmatrikula ng aking mga anak. Makatutulong po ba ang Pag-IBIG sa aking problema ngayon?
Maaari ko po bang malaman ang iba pang benepisyo nito maliban sa housing loan na madalas kong mabasa sa inyong kolum? Paano po ako makaka-avail nito? KARINA ng Laguna
Maliban sa housing loan, ang Pag-IBIG ay mayroong tinatawag na multi-purpose loan upang bigyan ng kaukulang tulong pinansiyal ang mga miyembro ng Pag-IBIG, ito ay tinatawag na multi-purpose loan. Sa ilalim ng programang ito, maari kayong makahiram ng mga sumusunod: 1) Pagpapaayos ng bahay, 2) Pagkakaroon ng puhunan sa negosyo, 3) Medikal, 4) Edukasyon, 5) Pagbili ng appliances at kagamitan sa bahay at iba pa. Sinuman na nakapagbayad ng 24 kontribusyon at aktibong miyembro sa araw ng paghihiram ay maaaring maka-avail ng mga binanggit na benepisyo. Ang interes po nito bawat taon ay 10.75 porsiyento at babawasan po ito sa inyong sahod sa loob ng dalawang taon. Kung hindi na po kayo namamasukan, maaaring magbayad ng diretso sa pinakamalapit na Pag-IBIG office sa inyo.
Sana nasagot ko ang inyong katanungan. Salamat sa inyong pagsubaybay sa aking kolum.