Ang mga artista at si Ate Glo

Kapuna-puna na sa paglilibot ni President Gloria Macapagal-Arroyo ay may kasama siyang artista. Showbiz na rin ang dating niya. Hindi naman niya ipinagkakaila na mga kabalikat na niyang tinuturing ang mga artista. Una ang superstar na si Nora Aunor na siyang mag-iindorso ng socio-civic program ng administrasyon. Malaki ang pagkakahawig ni GMA at La Aunor. Ang bold star na si Rosanna Roces ay nakasama na rin ni GMA sa kanyang pag-a-outreach sa mga urban poor. Nakipag-duet siya minsan kay Osang. Isa pa ring nagpahayag ng pagsuporta ay si Lipa City Mayor Vilma Santos Recto. Bukod kay Ate Vi marami pang big stars at singers ang nagpahayag ng pakikiisa kay GMA na minsan ay nagbigay ng dinner sa mga taga-showbiz sa Malacañang.

Mahusay na product endorsers ang mga artista. Ilan sa mabibigat na endorsers sina Sharon Cuneta at Aga Muhlach. Ang tanong ngayon ay ito, ginagamit ba ni GMA ang mga artista para mas lalo siyang malapit sa masa? Kailangan bang gamitin ni GMA ang mga artista para maisulong ang kanyang programa? Marami ang nagkomento na gumagaya lang si GMA sa istilo ni dating President Erap na karay-karay sa lakaran ang mga co-stars niya. May nagsasabi naman na hindi kailangan ni GMA ang mga artista at sapat na ang kanyang sarili para maipaabot sa masa na talagang tapat ang hangarin niya at sincere siya sa pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan.

Show comments