Comedy of error

ERRORISM versus terrorism. Ito ang kakatwang nangyari kamakalawa nang magkaroon ng salungatang pahayag ang militar at pulisya kaugnay ng umano’y pagkakadakip ng ilang kataong responsable umano sa serye ng pambobomba sa General Santos City.

Naunang inihayag ng Armed Forces of the Philippines na nasakote si JR Jikiron na siya rin umanong kilala sa taguring Abu Muslim al-Ghazie.

Pero sinalungat ng Philippine National Police ang pahayag ng militar. Kasi raw, ang tunay na ngalan ni Abu Muslim al-Ghazie ay hindi Jikiron kundi Abdulatip Adsoy Paglala at ang taong ito’y nakalalaya pa.

Noon pang Miyerkules ng umaga ay nagpaabot ng advisory sa akin ang ating reporter na si Rose Tamayo na nasa General Santos. Natukoy daw ang kinaroroonan ni Abu Muslim at siya’y lalambatin na noong araw na iyon.

Pero later in the evening, tumawag uli si Rose at sinabing nakatakas si Abu Muslim. Therefore, the advisory was negative.

Nang magbasa ako ng ibang pahayagan kinaumagahan, nairita pa ako dahil naibalitang naaresto si Abu Muslim. Kaya tinawagan ko si Rose upang usisain. Mantakin mong hindi namin nakuha ang balita samantalang ito’y alam ng aming reporter. Sabi ni Rose, kuryente o hindi totoo ang balita.

True enough,
ibang tao ang naaresto. The real Abu Muslim even went on the air sa isang istasyon ng radyo sa Mindanao upang pagtawanan ang walang katotohanang pagkakaaresto sa kanya.

Sa tingin ko’y may lihim na kompetisyon ang militar at pulisya.

Kung wala’y bakit nagsasalungatan sila ng pahayag? Sa harap ng pakikibaka laban sa mga teroristang sobra na ang perhuwisyong idinudulot sa bansa, walang puwang ang ganitong laglagan.

Ang nagmumukhang engot ay hindi ang militar o pulisya kundi ang buong lakas ng pamahalaan na nakatalagang makibaka laban sa mga kalaban ng kapayapaan.

At nakakahiya lalo ito sa mga tropang Amerikano na nasa bansa ngayon dahil baka iiling-iling sila at sinasabi sa sariling hindi natin kaya ang mga kalaban. Nakakahiya!

At siyempre pa, tiyak na ang mga kalaban ay ngingisi-ngisi sa isang sulok at pinagtatawanan ang ka-engotan ng ating mga tagapagpatupad ng batas.

Show comments