Ang maaasahan natin mula sa Espiritu Santo

PAPALAPIT na tayo sa Pentekostes – ang pagbuhos ng Espiritu Santo kapag bumalik si Jesus sa Ama. Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad kung ano ang kanilang maaasahan mula sa Espiritu Santo. Gagabayan niya sila. Sasabihin niya sa mga ito ang tungkol sa mga bagay na darating.

Samantala, tayo, dalawang libong taon na pagkatapos, ay nakikinig sa mga salita ni Jesus. Gagabayan din tayo ng Espiritu. Ang Espiritu ni Jesus ang magsasabi sa atin kung ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus.

Si Juan ang patuloy na pagkukunan natin ng mga malalalim na pagninilay ni Jesus (Jn. 16:12-15).

‘‘Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya kayo, sapagkat sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay sa akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo.’’


Sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na iiwanan na niya ang mga ito. Subalit hindi niya iiwanang mga ulila. Nakikita niya nalulungkot ang mga alagad. Nababagabag. Siniguro niya sa mga ito na isusugo niya ang kanyang Espiritu at makakasama nila. Kung anuman ang ginawa ni Jesus para sa kanila, ganoon din ang gagawin ng kanyang Espiritu.

Tayo, sa ganang ating bahagi, ay dapat matutunan ang pakikitungo sa Espiritu. Siya ay lahat-lahat sa atin gaya ng pagiging lahat-lahat ni Jesus sa kanyang mga alagad.

Show comments