Marami nang pinatay ang mga bandido at hindi na ito lingid sa kaalaman ng mamamayang Pilipino. Pagkaraan nilang bihagin ang 21 foreigners sa Sipadan, Malaysia noong April 23, 2000, apat na kababayang Pinoy ang kanilang pinatay sa Lamitan, Basilan. Nilusob nila ang eskuwelahan at hinostage ang mga bata, guro at isang pari. Hindi sila nangimi nang patayin ang Claretian missionary na si Fr. Rhoel Gallardo noong May 3, 2000. Bago pinatay ay binunutan muna ng kuko ang pari. Dalawang taon na ang nakararaan subalit wala pang katarungan ang malupit na pagpatay sa kawawang pari.
Kung malupit ang pagpatay kay Fr. Gallardo, malupit din ang ginawa nila kay Editha Lumame na tinapyasan ng suso bago pinatay. Walang galang sa mga babae! Dalawang lalaking guro pa ang pinugutan ng ulo ng mga bandido at inilibing.
Si Guillermo Sobero, Amerikanong kasamahan ng mag-asawang Burnhams ay pinugutan din ng ulo noong June 12, 2001. Handog daw nila sa pamahalaang Arroyo. Si Sobero at mag-asawang Burnhams ay dinukot noong May 27, 2001 sa Dos Palmas resort sa Palawan.
Kataka-taka ang mga nangyayari ngayon na nagsanib na ng puwersa ang Pinoy at Kano at ang kakaunting bilang ng mga bandido ay hindi nila mapulbos. Nagmamalaki ng mga sopistikadong armas ang mga Kano subalit hanggang doon lamang. Bakit noong dekada 70 na ang mga Philippine Constabulary (PC) pa ang naka-destino sa Basilan, napapasok nila nang walang takot ang kagubatan at nalilipol ang mga naghahasik ng kaguluhan sa lugar. Ngayoy bat hindi magawa sa kabila na moderno ang armas at katulong pa nga ang mga CAFGUs at Kano.
Dapat laliman ng pamahalaan ang paglutas sa problemang ito sa mga bandido upang maisalba ang bansa. Bat pa narito ang mga Kano kundi rin lang mapupulbos ang mga salot?