Away-lupa ang rason ng pagsalakay ng lima. Nakita ni Evangeline ang pangyayari. Naghabla siya ng murder. Siya ang eye-witness.
Palubog ang araw isang hapon nung Enero 2001 nang nag-aabang si Evangeline ng sasakyan pauwi mula sa katedral sa Dagupan. Biglang may pumara sa harap niyang kotseng kulay pula. Bumaba ang dalawang armadong lalaki, tinutukan siya ng baril, at itinulak papasok ng kotse. Sinalpakan siya ng panyong may pampatulog na kemikal. Nang magka-malay si Evangeline, isa na lang ang lalaki sa kotse. Inutusan siya nito na lumuwas sa Maynila at huwag nang babalik sa Pangasinan, kung hindiy papatayin nila siya.
Ibinaba siya sa Tarlac. Nagpasundo si Evangeline sa isang kamag-anak sa Maynila. Sa tulong ni dating DILG Sec. Fred Lim, ipinasok siya sa Witness Protection Program ng DOJ.
Itinira si Evangeline sa isang safehouse, kasama ang witnesses sa ibat-ibang krimen. Kasama rin niya ang kanyang anak na paslit. Bantay nila sa safehouse si Gerry ng WPP.
Nung ika-26 ng Marso 2002, naghuhugas ng bote ng gatas ng anak si Evangeline nang pasukin siya ni Gerry sa kusina. Niyapos muna siya bago sinuntok sa katawan. Kinaladkad patungo sa kuwarto at isinalya sa kama. Nanlaban si Evangeline. Sa pagitan ng pananakit at pagbabanta, nakuha siyang halayin ni Gerry.
Tuliro pa si Evangeline makalipas ang dalawang araw. Paglabas niya sa banyo, niyapos at sinapak na naman siya ni Gerry. Nanlaban siya at nakakuha ng patalim. Napigil si Gerry.
Nagsumbong si Evangeline kay WPP Director Leo Dacera. Sagot sa kanya, di niya alam kung sino sa kanila ang paniniwalaan. Sa sama ng loob, nilisan ni Evangeline ang safehouse. Tumungo sa Commission on Human Rights at nagdemanda ng rape.
Inipit ni Dacera ang WPP allowance ni Evangeline. Katwiran niya, wala na kasi ang witness sa safehouse. E kasi naman umiiwas sa gahasa.