Nahaharap ang bansa sa P130-billion budget deficit at sa problemang ito, naghahanap ang pamahalaan ng mga solusyon kung paano mapupunan ang malaking kakulangan. At isa sa kanilang naisip ay ang pagpapataw ng buwis sa telecommunication industry. Nakita ng pamahalaan ang malakas na pag-imbulog ng telecommunication sa pamamagitan ng short text messaging (SMS) at naging kandidato nga sila ng DOF para pagkunan ng buwis.
At kung matutuloy ang pagpapataw ng tax sa text messaging tiyak na ang mahihirap ang kakarga sa ideyang ito. Ang suma total, taumbayan din ang magpupuno sa kakulangan ng pamahalaan. Ngayoy karaniwan na lamang ang cellular phone na pati karaniwang mamamayan na nasa mga liblib na barangay ay gumagamit. Madali na ang kanilang pakikipag-communicate sa kanilang mga kamag-anak sa ibang lugar at maging sa ibang bansa. Kung matutuloy ang balak na pagta-tax sa text, apektado na naman ang mahihirap.
May umalingasaw na balitang ang dahilan umano kaya binalak ang tax sa text ay upang mapigilan ang pagkalat ng mga kritikal na messages laban sa Arroyo administration na pinaghihinalaang galing sa oposisyon.
May katotohanan man o wala ang dahilan kaya binalak ang tax sa text ang mahihirap pa rin sa dakong huli ang kawawa rito. Nakapagtataka na bakit hindi makagawa ng paraan ang pamahalaan para makalikom ng pera para mapunan ang budget deficit. Bakit hindi pagbutihin ang paglikom ng buwis. Maraming problema sa pagkolekta ng buwis na kadalasay napupunta lamang sa mga bulsa ng kurakot. Bakit hindi ang mga kurakot ang pagsikapan nilang durugin nang makaipon ng pera at hindi ang pagbubuwis sa text messaging ang kanilang pinagtutuuan ng pansin.