Ang trahedya sa karagatan ay karaniwan na lamang sa bansang ito. Noong 1997, nasunog din ang Viva Antipolo at may 30 tao ang namatay. Mas matindi ang pangyayari noong December 1987 nang magbanggaan ang M/V Doña Paz at M/T Victor na may 4,000 ang namatay. Sa kabila nang mga trahedya, patuloy pa ring tinatangkilik ng mga tao na karamihay mahihirap ang barko sapagkat pinakamura sa lahat ng pampublikong sasakyan. Hindi na nila inaalam kung ligtas nga ba ang sasakyang barko.
Sa kabila na tinatangkilik ng mamamayan, wala namang ginagawang pagbabago ang mga may-ari ng barko para maging ligtas ang kanilang mga pasahero. Pasok na lamang nang pasok ang pera sa kanilang negosyo at hindi na nila inaalam ang kakayahan ng barko, kapitan at mga crew. Handa ba ang mga ito o nauuna pang tumalon kapag may panganib at di na inaalala ang mga pasahero.
Sa kaso ng M/V Maria Carmela, sinasabing hindi naman umano kargado ng pasahero ang barko nang umalis ito sa Masbate. Bagay na hindi kapani-paniwala sapagkat bukod sa tao ay may karga pa itong mga malalaking truck at kopra. Gaano kabigat ang truck at kargamentong kopra? Pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa mga kopra na nakalagay umano malapit sa makina ng barko. Mabilis na kumalat ang apoy at nagulantang na lamang ang mga pasahero na ang karamihay natutulog pa.
Nang kumalat ang apoy ay nagkagulo na ang mga pasahero. Nagkanya-kanyang ligtas sa sarili. Nag-agawan sa life jackets. Nang walang makuhang jacket minabuti na lamang na tumalon sa barko at bahala na. Ang mas kawawa ay ang mga bata na napahiwalay sa kanilang mga magulang.
Hindi makita ang kapitan at mga crew na dapat ay nagbigay ng tulong sa kanilang pasahero. Ipinakita na wala silang kakayahan sa oras ng panganib. Ang tanong ay kung bakit nakapaglalayag ang barko sa kabila na kulang sa mga kagamitan tulad ng life jackets at life boats. Ngayoy naghihigpit na naman ang mga awtoridad. As usual, ganito naman ang mga awtoridad. Kailangang may mamatay muna saka kikilos. Kapag tahimik na ang isyu balik uli sa dati.