Noong ako ay Kongresista pa tumutol na ako sa Charter change (Cha-cha) at ang posisyong ito ay base sa mga ilang rason. Una, napakaraming mga problema sa ating bansa na kailangang lutasin gaya ng kahirapan, krisis sa ekonomiya at ang suliranin sa kapayapaan. Ikalawa, magiging pondo ang kinakailangan upang tustusan ang mga konsultasyon at pagdadaos mismo ng ratipikasyon nito. Mas magiging kapaki-pakinabang kung ang bilyun-bilyong pisong gagastusin sa Cha-cha ay ilalaan na lamang sa pabahay, edukasyon, imprastruktura at mga programang magpapaunlad sa agrikultura at iba pang industriya.
Ikatlo, ang pinaka-kritikal na reporma na kailangan natin ay iyong patungkol sa ekonomiya na maaaring maipatupad sa pamamagitan ng pagpasa lamang ng mga batas at hindi na kakailanganing baguhin pa ang Konstitusyon.
Ang pagsusulong sa Cha-cha ay maaari na namang magbunga ng pagkaka-hati-hati sa atin. Pagkatapos ng ilang matitinding isyu na nagbunga ng pagkakahati ng publiko, higit nating kailangan ang pagkakaisa bilang isang bansa.
Lubhang napakarami pang kailangang unahin kaysa sa Cha-cha. Ang pagpapabuti at pagpapabilis ng serbisyo sa publiko at ang pag-ahon sa ating mga kababayan mula sa kahirapan ay hindi maaaring paghintayin. Unahin ang pangangailangan ng taumbayan at hindi ang Cha-cha.