Sa mundo ngayon, hindi makaaagapay sa pag-unlad ang mga bansang walang kaalaman sa larangang ito.
Pero it is most unfortunate na napakaraming mga bagong graduates sa mga IT schools ang desperado sa paghahanap ng trabaho. Katunayan, naibalita natin sa pahayagang ito kahapon ang tungkol sa demonstrasyon ng mga nagsipagtapos ng Information Communication Technology na wala pa ring makitang trabaho.
Nananawagan sila sa pamahalaan, lalo na sa Commission on Higher Education (CHED) na sikaping maitaas ang kalidad ng edukasyon sa mga paaralang IT sa bansa.
In the interest of these add ons to the ranks of the unemployed Pinoys, nais kong ayudahan ang kanilang panawagan sa pamahalaan.
Ang mga kabataang ito ay nagtatanong sa Department of Labor and Employment: "IT country na ba ang Pilipinas o IT-IT-han?"
Ang mga demonstrador na kabataan ay nagparada ng isang kariton ng mga pudpod na sapatos at mga sirang payong. Nais nilang ipakita sa pamahalaan ang kanilang matinding pagod sa kalalakad upang makahanap ng trabahong bagay sa kanilang kursong tinapos, pero hangga ngayon ay bigo pa rin sila.
Ang pag-aaral nga ba ng IT ay magbibigay ng magandang oportunidad sa empleyo? Iyan ang tanong ng mga jobless IT graduates kay Labor Secretary Patricia Sto. Tomas sa kanilang pagde-demonstrasyon.
Ang kilos-protesta ng mga kabataang itoy sa pangunguna ng Union for Fresh Leadership (U-LEAD), isang non-government organization.
Naghihinagpis si Lanny Madarang, tagapagsalita ng U-Lead. Katakut-takot daw na sapatos ang napudpod ng mga job-seekers na ito, nasiraan pa ng mga payong sa paghahanap ng angkop na trabaho, but to no avail!
For which reason, nananawagan sa DOLE ang mga kabataang ito na tapatin sila: May pag-asa nga ba o wala sa kursong IT?
Ang tanong ko naman ay, wala kaya ang problema sa kalidad ng edukasyon sa mga ICT schools natin na dapat subaybayan ng pamahalaan?
"Huwag na sanang bigyan ng ilusyon ng mga nagsusulputang IT schools ang mga pobreng estudyante at mga magulang na may magandang kapalarang naghihintay kung magtatapos sila ng IT," ani Madarang.
Ayon pa kay Madarang, "kung ang mga nagtapos sa UE noong 1992 at AMA noong 2002 ay walang makuhang trabaho na angkop sa kanilang tinapos, baka pati sa dressmaking ay wala pa silang puwang."
At katig ako sa sinabi ni Madarang. Dapat umaksyon ang DOLE para mabigyan ng mahusay na training ang mga kabataang may IT talents para mapakinabangan sa programa ng administrasyon na mapaunlad ang Information Technology sa bansa.
At the same time, ang CHED ay dapat matamang sumubaybay sa operasyon ng mga IT schools para seguruhing ang kalidad ng kanilang pagtuturo at umaagapay sa pamantayang pandaigdig. Otherwise, baka ang mga paaralang itoy maging diploma mill lang.
Ang kailangan ng kabataan ay hindi diploma kundi kaalaman at karunungan.