Albularyo at doktor

Hindi ko malimutan ang sinabi noon ni Ka Berong na ang mga pasyenteng hindi niya kayang gamutin ay agad niyang ipinadadala sa mga doktor, kaya lang ang mga doktor daw ay hindi kailanman nagpapadala sa kanya ng mga pasyenteng hindi nila kayang gamutin.

Ilang beses kong nakausap si Ka Berong at naging paksa namin ng pag-uusap ang kaugnayan ng albularyo at doktor.

"Ano bang mga sakit ang ipinadadala n’yo sa mga doktor Ka Berong?" tanong ko.

"’Yung mga kailangang operahin," sagot ni Ka Berong. "Halimbawa ay apendisitis. Hindi ko kaya ang mag-opera."

"Pero may mga albularyo na nag-oopera. Hindi pa nga gumagamit ng panghiwa at ni wala pa raw peklat," sagot ko.

"Iyon ay mga espiritista. Hindi ko kaya iyon at hindi ko pangangahasan."

"Sumasama ka ba sa ospital kapag dinadala ang pasyente?" tanong ko.

"Sumasama ako pero hindi ako nagpapakilala. Itinutuloy ko nga ang aking paggamot sa ospital habang hinihintay namin ang pagdating ng doktor."

"Bakit kailangan ka pa roon?"

"Gusto kasi ng mga kamag-anak ng pasyente ay katabi ako dahil sa ipinagdarasal ko ito. Kung minsan ay nagpapanggap akong bisita lamang."

"Ibig mong sabihin habang ginagamot ang pasyente ay katabi ka ng doktor at ipinagdarasal ang pasyente?"

"Oo kaya pag gumaling ang pasyente, bida pa rin ako."

Napahagalpak ako ng tawa.

Show comments